347 total views
Mga Kapanalig, 11 buwan na lang ay matatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit ayon sa isang miyembro ng Presidential Legislative Liaison Office o PLLO noong Biyernes, hindi na prayoridad ng pangulo ang pagpirma ng panukalang-batas na nais wakasan ang endo (o end of contract) o kontraktwalisasyon sa bansa. Ang pagtuldok sa endo ang isa sa mahahalagang pangako ng pangulo noong panahon ng kampanya.
Nililimitahan ng endo (na kilala ring 5-5-5) ang kontrata ng mga manggagawa sa loob ng lima hanggang anim na buwan. Ibig sabihin, walang permanenteng trabaho ang mga manggagawa sa ilalim ng endo, at hindi nila nakakamit ang mga benepisyong itinakda ng batas na matatanggap ng isang regular na manggagawa. Talamak ang endo sa maraming kumpanya kaya naman maraming manggagawa ang umasa sa pangako ni Pangulong Duterte.
Sinubukan ng administrasyong aksyunan ang suliraning ito ngunit talagang mailap ang pagkakaroon ng batas na magbibigay ng ngipin sa Labor Code upang tuluyang wakasan ang endo. Nariyan ang patuloy na pagbabantay ng Department of Labor and Employment (o DOLE) sa mga mapang-abusong kumpanyang lumalabag sa inilabas nitong Department Order No. 162 noong 2016 at Department Order No. 174 noong 2017. Kasabay ng mga ito ang masugid na pag-iinspeksyon ng kagawaran sa mga kumpanya, at nagbunga ito sa pagre-regular sa mahigit 600,000 manggagawa mula Agosto 2016 hanggang Mayo 2020.
Noong Mayo 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive No. 51 na naglalayong ipagbawal ang iligal na contractualization at protektahan ang karapatan ng mga manggagawa. Nang lumaon, inamin niyang “walang ngipin” ang EO na iyon, at hinikayat ang Kongresong trabahuhin ang Security of Tenure bill. Sa kabila nito, hindi pinirmahan ni Pangulong Duterte noong July 2019 ang consolidated Senate Bill No. 1826 at House Bill No. 6908. Aniya, masyadong malawak ang depinisyon ng “labor-only contracting” sa panukala at kinakailangang bigyang-laya ang mga negosyanteng pumili ng mga gawain sa kanilang operasyon na posible ang mga kontraktwal na manggagawa.
Malinaw ang mga panlipunang turo ng Simbahan na dapat igalang ang karapatan ng mga manggagawa sapagkat nakabatay ito sa kanilang dignidad bilang tao. Ang paggawa ay mahalaga upang matugunan natin ang ating mga pangangailangan at makapamuhay tayo nang marangal. Samakatuwid, ang pagyurak sa karapatan ng mga manggagawa ay tahasang pang-aabuso sa kanilang dignidad. Kinakailangang tandaang ang kaunlaran ng ekonomiya ay hindi lamang nasusukat sa dami ng produktong ating nalilikha, ngunit sa paraan ng paglikha at kalagayan mismo ng mga lumilikha.
Ang karapatang magkaroon ng seguridad sa trabaho at makamit ang mga benepisyong itinakda ng batas ay ilan lamang sa mga karapatang ipinagkakait ng endo sa mga manggagawa. Ito ang mga karapatang ipinagakong ipagtatanggol ng pangulo noong sinusuyo niya ang mga botante. Ngunit ang pangakong ito ay hindi na prayoridad ng pangulo ngayong papalapit na ang pagbaba niya sa puwesto.
Mga Kapanalig, mahalagang tiyakin ang pagyabong ng mga negosyo, ngunit kasabay dapat nito ang pagsusulong ng makatarungang kalagayan ng mga manggagawa. Tulad ng pangaral sa Isaias 1:17 na “…gumawa ng makatuwiran, pairalin ang katarungan, tulungan ang naaapi,” sumama tayo sa paniningil sa pangako ng pangulong wakasan ang endo. Huwag natin hayaang mapako ang pangakong magkaroon ng makaturungang buhay-paggawa sa bansa.