497 total views
Hindi naging madali ang pagkamit ng mapayapang pagsasama ng mga Kristiyano at Muslim sa Prelatura ng Marawi.
Ito ang ibinahagi ni Marawi Bishop Edwin de la Peña – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Inter-religious Dialogue sa naganap na 35th Silsilah Online Summer Course on Muslim Christian in Dialogue.
Ayon sa Obispo, bagamat hindi agad nagkaroon ng magandang pagsasama ang mga Muslim at Kristiyano sa prelatura na itinatag noong 1976 ay higit namang namayani ang pag-ibig at pag-uunawaan sa mga mamamayan na nagdulot ng maayos at mapayapang pagsasama ng mga Kristiyano at Muslim kalaunan.
Ipinaliwanag ni Bishop de la Peña na sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo tungkol sa pangkabuuang kahalagahan ng buhay at pananampalataya ay naisakatuparan ng Prelatura ng Marawi ang misyon nito na isulong ang pakikipagkasundo at pagkakaroon ng maayos na pagsasama ng Kristiyano at Muslim.
“It took us a long time to live with our Muslims brothers and sisters and then in the late 70’s the clergy of the Prelature of Marawi initially articulated the mission of the prelature that says the mission of the Prelature of Marawi is to offer reconciliation to our Muslim brothers and sisters through dialogue of life and faith so that has been the guiding principle of all our pastoral ministry, all our involvements since then.” pagninilay ni Bishop de la Peña.
Tema ng 35th Silsilah Online Summer Course on Muslim Christian in Dialogue ang “Love and Hate in Christianity and Islam” kung saan tinutukan ang relasyon ng mga Muslim at Kristiyano sa lipunan.
Inihayag ni Bishop de la Peña na ang naganap na Marawi siege noong taong 2017 ay higit pang nagpatatag sa relasyon at magandang pagsasama ng mga Kristiyano at Muslim sa syudad dahil sa idinulot nitong reyalisasyon na ang paglaganap na ‘violent extremism’ ang tunay na kalaban ng bawat isa at hindi ang isa’t isa.
Ayon sa Obispo, ito ang isang pinakamahalagang bahagi sa pagkamit ng mapayapang pagsasama ng mga Kristiyano at Muslim sa Prelatura ng Marawi.
“Christians and Muslims realized that we really have one common enemy and that is violent extremism and the only way to defeat violent extremism is for Muslims and Christians to work together and so the work of dialogue continues even with greater impetus because of that and so this is our experience of transforming hate into love in the Prelature of Marawi with Muslims and Christians working hand and hand, side by side to be able to deliver the help and support that our people need in this time of crisis.” Dagdag pa ni Bishop de la Peña.
Iginiit ng Obispo na dapat manaig ang paggalang sa kapwa at hindi ang pagkakaiba-iba ng paniniwala, kultura o tradisyon ng bawat isa.