655 total views
Kapanalig, iba na ang mundo ng trabaho sa ating panahon ngayon. Ang mga pagbabagong ito ay mas napabilis dahil sa pandemyang bumalot sa mundo. Dati, mataas pa ang hesitancy o pag-aalangan sa digitalization. Ngayon, niyakap na ito ng karamihan dahil wala silang choice o pagpipilian. Ang fourth industrial revolution o industry 4.0 ay hindi na lamang umuusbong, ito ay umiiral na. Ano ba ang implikasyon nito sa larangan ng trabaho sa ating bansa?
Ayon sa JobsFit report ng Department of Labor and Employment, ang IT-BPM (Information Technology and Business Process Management) ay key employment generator sa bansa. Sakop nito ang mga serbisyo gaya ng voice at IT software services—call center, data transcription, animation, digital content/game development, software development at iba pa. Patuloy na tumataas ang revenues sa sector na ito. Noong 2016, $22.9 billion ang kita nito. Inaasahang tataas pa ito ng $38.9 billion sa 2022. Siyam na syudad sa Maynila ang may malakas na IT-BPM sector: Metro Manila, Cebu City, Davao City, Sta. Rosa, Laguna, Bacolod City, Iloilo City, Dumaguete, Bagiuo City, at Clark.
Sa paglago ng IT-BPM sector sa bansa, maraming adjustments at paghahanda ang kailangang gawin ng ating lipunan. Una na rito ay ang pagsasa-ayos ng pagsasanay o training para masiguro ang kahandaan ng ating mga manggagawa. Matagal ng isyu sa ating bayan ang kakulangan sa job matching sa labor market. Ngayong mabilis na ang pagbabago sa world of work, dapat lang na mas mabilis nating maisaayos ito, dahil kung hindi, kulelat na naman tayo. Ayon pa rin sa JobsFit Report ng DOLE, halos kalahati ng mga walang trabaho sa bansa ay binubuo ng mga young adults na first time papasok sa job market. Marami sa kanila, kulang ang kasanayan para sa mga trabahong umiiral sa merkado ngayon.
Pagdating sa paghahanda sa mga makabagong trabaho, hindi lamang ang pamahalaan ang nakataya. Ang mga manggagawa din, lalo na ang mga may kakayahan, ay may responsibilidad ding tantyahin ang mga maaring pagbabago sa merkado upang makasabay sa mga hinihingi ng mga industriya ngayon. Kailangan pumili ng mga kurso at mga training na tunay na magagamit sa trabaho upang masiguro na sa panahon ng pagtatapos, may trabahong naghihintay.
Pero siyempre, ang pamahalaan ay kailangang maglikha ng mga trabaho sa bayan. Kailangan dumami ang mamumuhunan sa atin. Hindi mangyayari yan kung laging may patayan sa bayan, palpak ang kapulisan, magulo ang pulitika, at tumataas ang bilang ng mga may COVID sa bansa.
Ang pagbabago sa larangan ng trabaho ay maari nating mas ma-maximize kung ang lipunan natin ay maagap, mapayapa, at malusog. Kaya’t sana, magawa na natin ito upang mabawasan na natin ang dami ng walang trabaho sa ating bayan. Ayon nga sa Quadregisimo Annos: Every one should put his hand to the work which falls to his share, and that at once and straightway, lest the evil which is already so great become through delay absolutely beyond remedy. Those who rule should avail themselves of the laws and institutions of the country; the wealthy owners must be mindful of their duty; the working class, whose interests are at stake, should make every lawful and proper effort.
Sumainyo ang Katotohanan.