368 total views
Umaasa ang Commission on Human Rights (CHR) na sa pamamagitan ng paggamit ng body-worn cameras ng mga kawani ng Philippine National Police ay higit na magkaroon ng pananagutan at transparency ang ahensya sa mga isasagawang operasyon sa hinaharap.
Ito ang pahayag ni CHR Spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia matapos na aprubahan at maglabas ng resolusyon ang Korte Suprema sa paggamit ng body-cameras ng mga pulis sa paghahain ng search warrant at iba pang operasyon.
Ayon sa CHR, sa pamamagitan ng transparency sa pagsasagawa ng operasyon ng mga pulis ay maari ding maibalik muli ang tiwala ng publiko sa ahensya.
“We have high hopes that this newly introduced technology to law enforcement and criminal justice system will result in better transparency and accountability, and thus may improve public’s trust in law enforcement legitimacy.” pahayag ni de Guia.
Pagbabahagi ni Atty. de Guia, ang paggamit ng mga pulis ng mga body-worn cameras ay hindi lamang para sa proteksyon ng mga sibilyan kundi maging ng mga kawani ng PNP na humaharap sa iba’t ibang uri ng panganib sa kanilang mga operasyon.
Nanawagan naman ang CHR sa karagdagan pang mga donasyon ng body-worn cameras para sa mga kawani ng PNP.
“CHR sees the preliminary rollout of body-worn cameras as a step towards the right direction as it serves for both the protection of citizens and our police force. At the same time, noting the limited number of body-worn cameras, we echo the call for partnerships and donations by the PNP so that more police operations may benefit from this innovation and close gaps in its implementation.” Dagdag pa ni Atty. de Guia.
Batay sa inisyal na tala ng PNP nasa 2,696 na mga body cameras na ang naipamahagi ng ahensya sa may 171-estasyon ng mga pulis sa iba’t ibang lungsod at syudad sa bansa.
Kailangan pa ng 30,000 body cameras para sa lahat ng mga estasyon ng mga pulis sa buong bansa.
Kaugnay nito, mariin ding naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at sa mismong buhay ng bawat nilalang na kaloob ng Panginoon.