324 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas 846 ang mamamayan na subaybayan ang pastoral visit on-the-air ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Ito ay gaganapin sa Hulyo 19, 2021 sa programang Barangay Simbayanan kasama si Angelique Lazo at Fr. Nolan Que ganap na alas otso hanggang alas nuwebe ng umaga.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dadalaw ang ika – 33 arsobispo ng Maynila sa himpilan upang ibahagi ang mga adbokasiya sa kanyang pamumuno sa Arkidiyosesis.
Ilan sa mga paksang tatalakayin sa pastoral visit ang pagtatatag ng mga mission stations, pagbubukas ng mga simbahan para sa Sakramento ng Kumpisal, pagtatayo ng retirement home para sa mga pari ng Arkidiyosesis at mga pro-poor programs na makatutulong sa mahihirap na komunidad.
Matatandaang Marso ng kasalukuyang taon nang hirangin ni Pope Francis si Cardinal Advincula bilang Arsobispo ng Maynila kahalili ni Cardinal Luis Antonio Tagle na itinalaga ng Santo Papa sa iba’t ibang tanggapan sa Vatican.
Hunyo 24 naman nang pormal na iluklok ang Cardinal sa Arkidiyosesis sa pangunguna ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa isang pagdiriwang sa Manila Cathedral na sinaksihan ng mananampalataya at civil leaders.
Samantala ang pastoral visit on-the-air program ng himpilan ay isang pagkakataong ibinibigay sa mga obispo para maiparating sa mamamayan ang mga programang ginagawa sa bawat diyosesis gayundin ang pagbabahagi at pagninilay sa mga turo ng Simbahan.
Ilan sa mga naging panauhin sa programa na regular mapakikinggan sina CBCP President-elect, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, Novaliches Bishop Roberto Gaa, San Pablo Laguna Bishop Buenaventura Famadico, Imus Bishop Reynaldo Evangelista, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Antipolo Bishop Francisco De Leon, Baguio Bishop Victor Bendico, Malolos Bishop Dennis Villarojo, San Fernando Archbishop Florentino Lavarias at ang kinatawan ng Vatican na si Archbishop Charles Brown.
Mapakikinggan ang programa sa Radio Veritas 846, Radyo Veritas 1233 Bayombong, Cignal Cable TV 313, E-Radio portal at mapapanuod sa Radyo Veritas PH Facebook page at YouTube channel.