356 total views
Tiniyak ng mga human rights advocates sa bansa ang patuloy na paninindigan laban sa hindi makatao at hindi makatarungan na Anti-Terrorism Law na isinabatas noong nakalipas na taon.
Ayon kay Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) Secretary General Rose Trajano, ang naturang batas ay tahasang pagbibigay karapatan sa mga otoridad na paratangang terorista ang sinumang indibidwal ng walang katibayan.
Ito ang bahagi ng naging talakayan ng mga human right advocates sa pagbabalik tanaw sa batas kontra terorismo na naaprubahan noong 2020 sa kasagsagan ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic sa bansa.
“Itong batas na ito talaga ay magiging justification para lahat ay pwedeng tawaging terorista. Sa nangyayari ngayon ang lahat ng buong bansa ay pwede na nilang i-designate, i-prescribe na mga terorista ang mga tao,” pahayag ni Trajano.
Iginiit ng Trajano na maituturing na isang instrumento ng paniniil ang Anti-Terrorism Law lalo na laban sa mga kritiko ng pamahalaan na nagbabahagi ng puna at saloobin sa mga maling nagaganap sa lipunan.
“Dito sa batas ng Anti-Terror Act so lahat ngayon ay parang may justification na sila para gawin yung iba’t ibang mga arrest, killings, detention na kahit pa hindi dumadaan sa procedure ng due process ay napagbibintangan na ang lahat ng mga tao at ang nakakalungkot nga napakaraming mga sibilyan ang nagiging biktima din,” dagdag pa ni Trajano.
Sa inilabas na pastoral statement ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong Hulyo ng nakalipas na taon ay nanindigan ang kalipunan ng mga Obispo sa pagtutol sa mapaniil na batas na mabilis na ipinasa sa dalawang kapulungan ng kongreso sa kabila ng mga pagtutol ng iba’t-ibang sektor ng lipunan.
Sa tala ng Korte Suprema may 37-petisyon na inihain ng iba’t ibang mga sektor na kumukwesyon sa legalidad ng Anti-Terrorism Law kabilang na ang petisyon na inihain ng AMRSP bilang kinatawan ng mga relihiyoso at mga layko ng Simbahang Katolika dahil sa paglabag nasabing batas sa Freedom of Religious Expression.
Matatandaang makailang-ulit nang naparatangang kalaban ng pamahalaan ang ilang mga lider ng Simbahan dahil sa pagpuna sa paraan ng pamamahala sa bansa na bahagi naman ng prophetic mission ng mga lingkod ng Simbahan.