352 total views
Sa kabila ng pangamba sa bagong misyon sa simbahan bilang ika-33 Arsobispo ng Maynila, tiwala si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa biyaya ng tulong mula sa Panginoon para sa malaking hamon ng paglilingkod.
Ito ang inihayag ni Cardinal Advincula sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
“Although sa gitna ng pagkakatakot nandiyan pa rin ang pananalig ang faith sa ating Panginoon na hindi niya ako pababayaan. Kung hinirang niya ako sa ganitong klaseng responsibilidad then bibigyan rin Niya ako ng mga grasya, ng mga tulong na aking kailangan para aking magawa ang aking mga katungkulan,” ayon kay Cardinal Advincula.
June 24 nang mailuklok ang cardinal sa Arkidiyosesis ng Maynila na may 350 mga pari, 89 na parokya at higit sa tatlong milyong mananamapalatayang katoliko.
Sa kauna-unahang pagkakataon bilang panauhin sa himpilan ay ipinahayag ng 69 na taong gulang na cardinal ang kaniyang pasasalamat sa mananampalataya at mga pari ng Maynila sa mainit na pagtanggap.
Ito rin ang naging pagkakataon ng mananampalataya na lubos pang kilalanin ang butihing pastol na dati ring naglingkod sa diyosesis ng San Carlos at Arkidiyosesis ng Capiz.
Sa kasalukuyan ay unting-unting binibisita ng Cardinal ang iba’t ibang nasasakop na parokya upang alamin ang mga suliranin na kinakailangan ng pagtugon.
Pinag-aaralan din ni Cardinal Advincula ang pagkakaroon ng mission stations sa Maynila o pagbuo ng mas maliliit na simbahan sa pamayanan.
“Dapat muna tingnan ko how many priests does Manila have. So, para makita din natin kung ilan ang posibleng gagawin kahit gradual lang mag-open ng parishes or mission stations,” ayon kay Cardinal Advincula.
Naniniwala rin si Cardinal Advincula na maraming mga batang pari ang maaring bigyan ng tungkulin sa mga parokya dahil na rin sa kanilang pagiging malikhain para maglingkod sa mananampalataya.
Si Cardinal Advincula ay kilala sa kaniyang adbokasiya sa paglikha ng mga mission stations at mission schools.
Sa San Carlos tatlong mission schools ang itinatag ng Cardinal sa mga malalayung bayan kabilang na dito ang Our Lady of Peace, Our Lady of the Mountain at ang Our Lady of the Lake.