314 total views
Ilalaan ng mga parokya ng Archdiocese ng Cebu ang mga banal na misa sa July 25 para sa mga nakatatanda. Ito ay pakikiisa ng arkidiyosesis sa kauna-unahang pagdiriwang ng World Day of Grand Parents and the Elderly na unang itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Sa liturgical text na inilabas ni Fr. Glenn Guanzon, Director ng Commission on Worship ng Cebu hinimok nito ang komunidad na makiisa sa paggawa ng hakbang upang personal na makabahagi sa banal na misa ang nakatatanda sa pamayanan.
“To encourage the presence of older people at Mass, members of the community can be involved in organizing transport for those who are unable to get there independently,” bahagi ng panuntunan ng archdiocese.
Sa banal na pagdiriwang pinahihintulutan ang mga nakababatang kasapi ng parokya o komunidad na ibahagi sa nakatatanda ang mensahe ni Pope Francis sa pagdiriwang ng Araw ng mga Lolo at Lola at mga nakatatanda.
Ang pagdiriwang ay kasabay ng paggunita sa kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana na mga magulang ng Mahal na Birheng Maria.
Tiniyak din ng archdiocese ang pagpapalawig sa pagdiriwang ng banal na misa sa mga pagamutan at tahanang nangangalaga sa mga matatanda.
“On 25 July and on the days immediately preceding and following it, liturgical celebrations for World Day could take place in hospitals and homes for the elderly. Where possible and in accordance with health regulations, members of the parish should be involved so that the Masses may be well animated,” dagdag pa ng arkidiyosesis.
Naglabas na rin ng angkop na panalangin ang arkidiyosesis na isinalin sa ingles at cebuano na babasahin sa loob ng banal na pagdiriwang gayundin ang panalangin ng bayan na tugma sa pandaigdigang pagdiriwang.
Matatandaang inanunsyo ng Apostolic Penitentiary ng Vatican sa pamamagitan ng isang Decree ang paggawad ng Plenary Indulgence sa pagdiriwang ng World Day for Grandparents and the Elderly.
Upang makatanggap nito makibahagi lamang sa banal na misa para sa selebrasyon habang ang hindi makadadalo ng pisikal dahil sa kasalukuyang restrictions maaring makiisa sa banal na pagidiriwang sa online, makinig sa radyo at manuod sa telebisyon. Ilalaan din ng arkidiyosesis sa mga programa para sa nakatatanda ang malilikom sa nasabing araw.
“The collection from the Masses for this World Day can be dedicated to supporting projects to help poor elderly people in the community,” dagdag pa ni Fr. Guanzon.