198 total views
Mga Kapanalig, nakapag-post ka na ba sa social media ng iyong puna sa administrasyon at dinumog ng mga galít na tagasuporta nito?
Noong nakaraang linggo, naghain ang labindalawang senador ng isang resolusyon upang imbestigahan ang mga umano’y state-funded troll farms. Ayon sa mga senador, dapat malaman ng taumbayan kung napupunta sa mga trolls na nagpapakalat ng fake news ang buwis na dapat ginagamit sa pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na ngayong pandemya. Nauna nang sinabi ng isang senador na mga opisyal mismo ng pamahalaan ang nagpasimuno nito upang siraan ang mga makakalaban ng administrasyon sa eleksyon sa 2022. Tila pangungutya naman ang naging sagot ng Malacañang sa hakbang na ito ng senado. Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “welcome” daw ang imbestigasyong ito. Sana rin daw ay isama sa mga iimbestigahan ang mga trolls na bumabanat sa kanya.
Ngunit hindi pagiging troll ang pagpuna sa pamahalaan. Gamit ang isang pekeng account, ang isang troll ay nagpapakalat ng mga fake news at maling impormasyon upang bumango ang pangalan ng isang pulitiko at siraan naman ang kanyang mga katunggali. Ngunit maging ang mga sikat na personalidad ay maaari ding maging instrumento ng misinformation. Sa mga nangyayari ngayon, ayon sa mga eksperto, tila ba nagiging normal na ang pagsisinungaling at panlilinlang. Ayon pa sa ilang pag-aaral, naglipana na ang mga troll farms na nagpapakalat ng fake news mula pa noong halalan ng 2016. Kung seryoso ang Senado sa imbestigasyong gagawin nito, kailangang tingnan nito ang iba’t ibang mekanismo ng pagpapakalat ng fake news. Kailangan ding bigyang-pansin kung paano pinatatahimik ang lehitimong media at mga kritiko ng pamahalaan.
Dagdag pa ng pag-aaral, hindi raw isang malungkot o walang magawang tao ang tipikal na troll. Maituturing siyang isang entrepreneur na ginagamit ang kanyang galing sa teknolohiya upang makakuha ng mga kliyente. Inihalintulad nila ito gawain ng isang public relations o PR firm na hinuhubog ang imahe ng mga kliyente nito. Balikan natin kung sinu-sino ang mga nananalo sa eleksyon noong 2016 at 2019 na bumango ang imahe. Mayroon kayang nananalo sa kanila dahil sa panlilinlang sa atin?
Ang mas nakalulungkot, tila walang ginagawang hakbang ang pamahalaan upang labanan ang sistematikong pagpapamanipula sa ating mga botante,. Ngunit paano nga ito lalabanan kung mismong buwis natin ang diumano’y ginagamit upang bayaran ang mga nasa likod ng mga pekeng balita at maling impormasyon? Paano nga ba natin lalaban ang fake news sa social media lalo na ngayong malapit na naman ang eleksyon?
Maging si Pope Francis, sa kanyang encyclical na Fratelli Tutti, ay nagpahayag ng kanyang pagkabahala sa “shameless aggression” ng mga trolls sa social media. Ayon sa Santo Papa, tila nakahanap ng walang hanggang espasyo ang ganitong ugali ng mga trolls sa ating mga computers at smartphones. Nagpapalaganap na nga sila ng maling impormasyon, hindi pa sila nakikinig sa kanilang kapwa. Kung noon daw ay nag-uusap tayo nang may respeto, ngayon ay galit at pang-iinsulto ang nangingibabaw at nagbubunga ng pagkakawatak-watak. Nalilimutan na nating ang demokrasya ay nakaugat sa bukás na pag-uugnayan ng mga mamamayan.
Mga Kapanalig, sa nalalapit na eleksyon, labanan natin ang fake news sa social media. Sa halip na patulan ang mga trolls, magpakalat lamang tayo ng tamang impormasyon—impormasyong may batayan at napatunayang totoo. Hindi kakayanin ng isang imbestigasyon sa Senado ang pagsugpo sa mga troll farms. Ang kinakailangan ay pumili tayo ng mga lider na hindi lulustayin ang ating buwis sa pagpapakalat ng fake news. Sabi nga sa Exodo 18:21, “pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at ‘di masusuhulan.”