349 total views
Suportado ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bamboo plantation ng Department of Environment and Natural Resources sa Central Luzon na layong maisaayos ang mga kagubatan at tabing ilog sa rehiyon.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, bagong Central Luzon Regional Representative ng CBCP, malaki ang maitutulong ng pagtatanim ng mga punong-kahoy sa tabing ilog tulad ng mga kawayan upang mapanatili ang kalinisan at kagandahan ng ilog.
“Yes, to rehabilitate our river banks is to plant more of mangroves and bamboos,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Dagdag ni Bishop Santos na ang hakbang na ito ng pamahalaan ay magandang halimbawa upang patuloy na maipalaganap ang pangangalaga sa kalikasan na tiyak ring makatutulong para sa kaligtasan ng mamamayan.
Pagbabahagi pa ng Obispo na ang reclamation project din sa Manila Bay ay hindi makatutulong sa bansa dahil lalo lamang itong magdudulot ng panganib hindi lamang sa karagatan, kundi lalo na sa buhay ng mga tao.
“Land is our life. It is our livelihood. To protect and to preserve our lands are to protect our lives and loved ones,” ayon kay Bishop Santos.
Aabot sa mahigit 14,600-hectares na bamboo plantation ang itinayo ng DENR sa Central Luzon mula noong taong 2012 upang makatulong sa rehabilitasyon ng mga kagubatan, tabing ilog at Manila Bay.
Maliban sa pagiging epektibong gamit sa pagbuo ng mga gusali at iba pang kagamitan, malaki ang naitutulong ng kawayan upang maiwasan ang matinding sakuna tulad ng pagguho ng lupa.
Nakatutulong din itong mabawasan ang epekto ng climate change at pag-init ng temperatura ng mundo dahil sinisipsip nito ang carbon dioxide dulot ng polusyon, at naglalabas ng mataas na antas ng oxygen upang mapanitiling ligtas at malinis ang hangin.