266 total views
Mga Kapanalig, naalala pa ba ninyo si Captain Manolo Ebora?
Siya ang Pilipinong kapitan ng isang oil tanker mula bansang Liberia at pag-aari ng isang kompanya sa bansang Greece na sinubukang harangin ng Chinese Coast Guard noong 2019 habang dumadaan malapit sa Scarborough (o Panatag) Shoal. Sinita siya ng Chinese Coast Guard at sinabihang mag-iba ng direksyon dahil ang lugar na iyon ay nasa ilalim daw hurisdiksyon ng China at hindi roon maaaring dumaan ang mga sasakyang pandagat ng sinumang dayuhan. Sinuway ni Captain Ebora ang utos ng Chinese Coast Guard at idinaan pa rin doon ang barko. Iginiit niya ang karapatan sa innocent passage o ang pagdaan sa katubigan ng ibang estado nang wala namang layuning manggulo o ilagay sa panganib ang seguridad ng bansang nakasasakop doon. Sinabi rin niyang ang Panatag Shoal ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Pilipinas.
Pinuri noon ng hepe ng Philippine Coast Guard na si Commandant Vice Admiral Joel Garcia ang katapangan ni Captain Ebora, ngunit hindi rin niya itnangging ang ginawa ng kapitan ay maaaring magkaroon ng epekto sa kalakalan ng mga bansa. Hinangaan din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kapitan, at itinuring na bullying ang ginawa ng Chinese Coast Guard.
Salungat sa mga ito ang naging reaksyon ng Malacañang. Ayon sa noo’y Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi concern ng administrasyon ang nangyari kay Captain Ebora dahil hindi naman daw barko ng Pilipinas ang nasangkot. Kahit pa dalawang eksperto ang nagmungkahing maghain ang bansa ng diplomatic protest laban sa China upang mapanindigan ang “right to innocent passage”, hindi kumibo ang Malacañang.
Ngunit biglang nag-iba ang ihip ng hangin matapos ang dalawang taon, kung paniniwalaan natin ang impormasyong ipinakakalat ngayon sa social media ng mga masusugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte. Ayon sa kanila, pinuri at binigyang-pugay mismo ni Pangulong Duterte si Captain Ebora dahil sa kanyang katapangang harapin ang mga Tsino. Malinaw na fake news ito dahil walang natanggap na anumang suporta ang kapitan mula sa palasyo. Pakiramdam tuloy ng kapitan, ginagamit lamang siya upang pabanguhin ang imahe ng pangulo ngayong umuugong ang kanyang pagtakbo umano bilang bise presidente katambal ang kanyang anak. Ikinalungkot at ikinainis ito ni Captain Ebora. Ganito rin marahil ang mararamdaman ninyo kung kayo ang kapitan.
Saan kaya kumukuha ng lakas ng loob ang mga nagpapakalat ng pekeng balita upang gamitin ang isang taong nanindigan para sa ating bayan upang iangat ang kanilang iniidolong hindi man lang umaalma sa lantarang panghihimasok ng mga dayuhan sa karagatang dapat pinagbabahaginan ng lahat? Nakalulungkot na may mga kababayan tayong sinasadyang baluktutin ang katotohanan at lokohin ang kanilang kapwa para sa kanilang agenda.
Sa okasyon ng World Communication Day noong 2018, sinabi ni Pope Francis na ikinababahala ng Simbahan ang pagkalat ng fake news. Nagsisimula raw ito sa pagmamataas at pagkamasarili na kung hahayaan nating umiral sa atin ay madaling mabaluktot ang ating kakayahang makipag-usap at makipag-ugnayan sa ating kapwa. Ngunit kung mananatili tayong tapat sa Panginoon at sa Kanyang plano, ang komunikasyon sa ating kapwa ay nagiging mabisang pagpapahayag ng ating responsableng paghahanap ng katotohanan at paghahangad ng tunay na kabutihan.
Mga Kapanalig, tandaan natin ang nasasaad sa Mga Kawikaan 12:19, “Ang tapat na labi ay mananatili kailanman, ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.” Huwag nating hayaang magpatuloy ang paggamit sa mga katulad ni Captain Ebora ng iilan para sa kanilang pansarling interes at pagpapakalat ng kasinungalingan. Maliban sa gawing insprasyon ang kuwento ng paninindigan ni Captain Ebora, maging aral nawa sa atin ang karanasan niya bilang biktima ng fake news upang suriin ang impormasyong nababasa natin at upang ipagtanggol ang tama at totoo.