3,097 total views
Ito ang panalangin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo kaugnay sa magkakasunod na kalamidad na nararanasan sa bansa.
Ipinagdarasal ng Obispo na gawaran ng Panginoon ang bawat isa ng lakas ng loob upang matapang na harapin ang mga pagsubok nang may pag-asa.
“Nawa’y samahan N’yo kami sa aming paglalakbay at bigyan N’yo kami ng lakas ng loob upang harapin namin nang may buong pag-asa ang Iyong kagustuhan at ang pagsunod ng Iyong mga utos at araw para sa amin. Sinasamba at pinupuri po namin ang Iyong Banal na Ngalan at nawa’y iligtas Mo kami sa sakuna at paghihirap ng aming bayan sa pandemic, malakas na ulan at bagyo,” panalangin ni Bishop Bagaforo.
Tiniyak naman ng Obispo na naghahanda na ang Caritas Philippines na tumugon sa pangangailangan ng mga posibleng biktima ng kalamidad.
Ayon sa kay Bishop Bagaforo na chairman ng Caritas Philippines, nagsasagawa na ng assessment ang mga Social Action Centers ng iba’t ibang diyosesis upang malaman ang pangangailangan ng mga residente at mga pinsalang dulot ng bagyo at lindol.
“We are in contact, yung aming humanitarian department ay 24/7 nag-contact kami simula pa noong tatlong araw na nakaraan sa lahat ng ating diocesan social action centers. Ang lahat ng ating social action centers sa mga affected dioceses ay naka-red alert at handang-handa tayo kung kinakailangan nila ng tulong,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Sa loob ng linggong ito, naranasan ng malaking bahagi sa bansa ang tuloy-tuloy na pag-ulan sanhi ng bagyong Fabian at Habagat na sanhi ng pagtaas ng tubig sa ilang bahagi ng bansa at maging sa Metro Manila.
Alas-kwatro naman ng umaga ngayong araw, nang maganap ang 6.7 magnitude na lindol sa Calatagan, Batangas na naramdaman sa Luzon. Sa kasalukuyan ay wala pang naiuulat na mga nasirang gusali o sugatan matapos ang malakas na pagyanig.
Ipinagdarasal din ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang kaligtasan ng lahat mula sa sakuna at lindol.
Read: https://www.veritas846.ph/panalangin-ni-cardinal-advincula-sa-bagyo-at-lindol/