570 total views
Hindi naging hadlang sa mga volunteer mula sa Archdiocesan Shrine of Divine Mercy sa Mandaluyong City ang epekto ng sama ng panahon upang mamahagi ng tulong sa mga higit na nangangailangan.
Ayon kay Fr. Jojo Panelo, Vice-Rector ng Dambana, sa kabila ng malakas na pag-uulan at pagbaha ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagmamalasakit sa mga pulubing naninirahan lamang sa mga bangketa.
“May mga volunteers po tayo na nagbibigay ng mga gusto nilang i-share. Kasi alam nilang may ganitong apostolate e, kaya regular naman siya,” bahagi ng pahayag ni Fr. Panelo sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman ang Pari sa mga volunteers at donors na patuloy na sumusuporta sa panawagan ng Simbahan na tulungan ang mga higit na nangangailangan.
Samantala, bunsod naman ng patuloy na pag-uulan, nagkakaroon ng pagbaha sa paligid ng Dambana kaya pansamantala itong hindi madaanan ng mga sasakyan.
“Malapit kasi kami sa creek tapos catch basin pa itong lugar. Talagang binabaha ito noon pa kahit nagawa na ng DPWH ito. Pero compared dati, mas matagal [bumaba] ang tubig noon,” saad ni Fr. Panelo.