1,709 total views
Maging instrumento ng pagtulong ng Diyos para sa mga nangangailangan at naghihikahos ngayong panahon ng pandemya at mga kalamidad.
Ito ang panawagan Diocese of Parañaque Bishop Jesse Mercado sa bawat isa sa gitna ng pagharap ng mamamayan sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic na higit pang pinalala ng sama ng panahon na dulot ng Habagat at Bagyong Fabian gayundin ang naganap na 6.6 magnitude na lindol sa Calatagan, Batangas.
Ayon kay Bishop Mercado na siya ring bagong halal na chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life, higit na kinakailangan ang pagbabayanihan ng bawat isa tulad na lamang ng mga community pantry upang matulungan ang mga nangangailangan.
Paliwanag ng Obispo, hindi kinakailangan ng malaking halaga sa pagbibigay ng ayuda sapagkat gaano man kaliit ang makakayanang itulong ay ang Diyos na ang bahalang magpuno nito.
“Nananawagan po ako sa ating mga kapwa Kapanalig, maaari ba kayong maging instrumento ng pagtulong ng Diyos sa mga naghihikahos sa panahong ito ng baha, lindol at pandemya? Katulad ng bayanihan na nakita natin sa community pantry, tumulong tayo ayon sa ating kakayanan gaano man kaliit ang Diyos na ang pupuno.” pahayag ni Bishop Mercado sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, sa kabila ng mga pangamba na dulot ng mga kalamidad at pandemya ay hindi pa rin dapat na mawala ang pananalig sa Diyos ng bawat isa sa halip ay dapat na ihabilin ang mga pangangailangan at mga hinaing sa mapagkalingang Diyos.
“‘The hand of the Lord feeds us, He answers all our needs’ Totoo po He answers all our needs kaya manalig tayo sa kanya, ihabilin natin ang ating mga pangangailangan sa ating mapagkalingang Diyos.” Dagdag pa ni Bishop Mercado.
Samantala nagpaabot rin ng panalangin si Bishop Mercado upang ipag-adya ng Panginoon ang bawat isa mula sa anumang kapahamakan na dulot ng kalamidad at pandemya.
Panginoon,
kayo ang bukal ng grasya at buhay, kayo ang aming sanggalang.
Bigyan niyo po kami ng lakas at pananalig sa mga panahong ito, iligtas niyo po an gaming mga kababayan na naapektuhan ng baha at lindol, at tulungan niyo po kaming maging bukas palad sa kanila.
Ito’y hinihiling namin sa ngalan ni Hesukristong aming Panginoon.
Amen.
O Maria, Ina ng Laging Saklolo, Ipanalanin mo kami.
San Jose, Ipanalangin mo kami