334 total views
Pinuri at kinilala ng opisyal ng simbahan ang pagkapanalo ni Hidilyn Diaz bilang kauna-unahang Filipino gold medalist sa Olympics.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng migrant’s ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ito ay patunay sa kakayahan ng mga Filipino na magtagumpay sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap.
“With victory of Hidilyn at Olympic, winning gold she has shown to us that Filipino can. We can rise up from all challenges in life, we can surmount all obstacles. Taking her what she has done and said, let us have Faith in God, believe in ourselves and do all for our Country,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Hulyo 26, 2021 ang makasaysayang araw para sa buong Pilipinas nang makamit ni Diaz ang kauna-unahang gintong medalya sa women’s 55-kilogram weightlifting Tokyo Olympic sa nakalipas na 97 taong paglahok sa kompetisyon.
May kabuuang 224-kilogram ang binuhat ni Diaz para makamit ang gintong medalya mas mataas ng isang puntos kumpara sa 223-kilogram kay Chinese olympian Liao Qiuyun.
Malugod na binati ni Bishop Santos si Diaz sa karangalang hatid sa mga Filipino at pasasalamat sa Panginoon sa kaloob na kalakasan para sa atletang Pinay.
“Congratulations Hidilyn and you make us proud as Filipinos. Thanks be to God and to our Blessed Mother Mary; With God for gold through the Miraculous Medal,” ani Bishop Santos.
Matatandaang 2018 naging panauhin si Diaz sa ‘Listening Heart with Cardinal Luis Antonio Tagle’ sa Philippine Conference on New Evangelization 5 (PCNE 5) kung saan ibinahagi nito ang matatag na pananampalataya sa Diyos at pamimintuho sa Mahal na Birhen sa bawat kompetisyong nilalahukan.