583 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na pahalagahan at unahin ang kapakanan ng bayan sa halip na ang katapatan sa iisang angkan.
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa mga Filipino kasabay ng pag-uulat sa bayan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 26.
Inihayag ng opisyal na malaki ang tungkulin ng mamamayan sa paghalal ng mga lider ng bansa kaya’t mahalagang matutuhang suriin ng mga Filipino ang kakayahan ng bawat kandidato sa halalan.
“Dapat ang mamamayang Filipino ay mapanuri, dapat ang pahalagahan ay ang bayan hindi kanya-kanyang loyalties sa mga political clans o sa mga lugar na pinanggalingan ng mga pulitiko, dapat tingnan natin ang ikabubuti ng pangkalahatan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na dapat pag-aralan at suriin din ng taumbayan ang huling pag-uulat sa bayan ng Pangulong Duterte kung ito ba ay wasto at may katotohanan lalo na ang mga programa ng pamahalaan.
Dismayado ang obispo na kalimitan sa pangako ng punong ehekutibo mula ng tumakbo ito noong 2016 Presidential elections ay hindi naisakatuparan tulad ng pagwawakas sa usapin ng iligal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan sa unang taon ng paninilbihan.
Makalipas ang limang taong paglilingkod bilang pangulo nanatiling laganap ang ipinagbabawal na gamot sa bansa sa kabila ng malawakang war on drug campaign na nagresulta ng pagkapaslang sa mahigit 30-libong indibidwal na pawang biktima ng extra judicial killings.
Muling hinikayat ni Bishop Pabillo ang mamamayan na aktibong makibahagi sa nalalapit na 2022 National and Local Elections sa Mayo sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa Commission on Elections.
Batay sa huling tala ng Comelec umabot na sa mahigit 60-milyon ang bilang ng mga nagparehistro na makaboboto sa halalan.