346 total views
Ginanap sa Guagua, Pampanga ang soft launching ng Philippine Faith and Heritage Tourism bilang bahagi ng paggunita sa ika-500 taon ng kristiyanismo sa Pilipinas.
Layunin nitong gawing instrumento ang nasa 537 historical pilgrim churches sa Pilipinas upang mas palaganapin ang turismo sa bansa na makakatulong din sa pagpapalalim sa pananampalatayang Kristiyano ng mga Filipino.
Ayon kay Radio Veritas 846 President, Fr. Anton CT. Pascual, isa itong makabuluhang programa na sa pamamagitan ng pagpunta sa mga makasaysayang simbahan sa bansa ay muli nitong mapapaigting at bubuhayin ang pananampalataya ng mga Kristiyanong Katoliko.
“Ito’y napakagandang programa upang ating palakasin muli… ang ating pananampalataya at ito ay upang buhayin lalong-lalo na sa ating mga katoliko, napakaraming katoliko sa Pilipinas – 85 porsyentong katoliko. Paigtingin natin muli ang pananampalataya na hindi lamang magpapabago ng ating buhay at ng ating pamilya, kung hindi nagpapabago ng ating lipunan tungo sa isang magandang Pilipinas,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi naman ni Atty. Maria Anthonette Velasco-Allones, Chief Operating Officer ng Tourism and Promotions Board (TPB) – Philippines, na magiging mas makabuluhan ang programang ito sa pamamagitan ng paghikayat sa iba pang mananampalataya na makiisa upang magkaroon ng karagdagang kaalaman hinggil sa kasaysayan ng mga simbahan sa bansa na maaaring makatulong sa pagpapatatag ng pananampalatayang Kristiyano ng mga Filipino.
“So sana ang ating journey para maubos mo yung 537 Jubilee Churches is a journey also of fun… So kailangan piliin natin. Magsama tayo, humikayat tayo sa pagba-biyahe at paglalakbay. Because only then will they say, ah, kaya pala sila Katoliko. Kaya pala sila naniniwala kay Kristo,” pahayag ni Atty. Allones.
Samantala, ibinahagi naman ni Radio Veritas Asia General Manager Fr. Victor Sadaya, CMF na isa sa napakahalagang misyon ng simbahan ang pagbuklurin ang mga Filipino tungo sa mas malalim na pananalig kay Kristo.
Paliwanag ni Fr. Sadaya na ang pakikipagkaisa at pakikipagtulungan ay malaki ang maitutulong upang mas makahikayat at maipalaganap ang pananampalatayang Kristiyano na nais iparating sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa.
“Sa panahon ngayon napaka-importante ‘yung tinatawag nating partnership at collaboration… The ultimate goal of the mission of the church is to create communion. It is only by being a community that we can really show that our faith is alive,” pahayag ni Fr. Sadaya sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito ay isinagawa naman ang Ceremonial Signing sa pagitan ng Veritas 846 sa pangunguna ni Fr. Pascual, TPB – Philippines sa pangunguna ni Atty. Allones, at Creative Travel and Tours International President Rubyrose “Bessie” Rustia.
Saksi naman sa paglagda sa kasunduan sina Fr. Sadaya, Guagua Mayor Dante Torres, at Veritas 846 Chief Strategy Officer Bro. Clifford Sorita.
Bago ang paglulunsad sa Philippine Faith and Heritage Tourism program, isang banal na misa muna ang inialay para sa Dakilang Kapistahan ni Santiago Apostol sa Saint James the Apostle Parish Church o mas kilala bilang Betis Church, na itinuturing ding isa sa mga historical pilgrim churches sa bansa.