345 total views
Magtutulungan ang Caritas Manila at Accenture Philippines upang makapagbahagi ng ayuda sa may 180 libong mahihirap na pamilya at 5 libong mga malnourished children sa Metro Manila at iba pang lalawigan sa Pilipinas.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at siya rin Pangulo ng Radyo Veritas, napakalaki ng epekto ng pandemya sa mga mahihirap hindi lamang sa banta sa kanilang kalusugan kundi maging sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Paliwanag ni Fr. Pascual, ang pagtutulungan ng isang institusyon ng Simbahan tulad ng Caritas Manila at pribadong sektor gaya ng Accenture Philippines ay malaki ang maidudulot upang matugunan ang pangangailangan ng mga maralita sa positibong pamamaraan.
“The pandemic brought about serious life-threatening challenges, especially for the poorest of the poor. This partnership aims to help address the dire and basic needs of our fellow Filipinos,” pahayag ni Fr. Pascual.
“Addressing not only the health but also the economic effect of this pandemic can only be achieved if we work closely together with companies like Accenture that share our common goal of making a positive impact in the lives of those at the bottom of the pyramid,” dagdag pa ng Executive Director ng Caritas Manila.
Bukod sa 6 na Diyosesis o 16 na siyudad na mabibigyan sa Metro Manila ay napabilang din sa proyekto ang ilang mga lalawigan na napapabilang sa tinatawag na “NCR+” tulad ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite habang may 18 pang diyosesis o mga lugar sa ibang bahagi ng Pilipinas ang mapagkakalooban ng ayuda.
Ang mga ito ay ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cebu, Leyte, Southern Leyte, Negros Oriental, Negros Occidental, Iloilo, Capiz, Samar, Cagayan De Oro, Lanao Del Norte, Bukidnon, Ozamis, Cotabato at Tagum sa Davao Del Norte.
Inaasahan na bibigyan ng tulong ang mga napabilang na pamilya sa pamamagitan ng kani-kanilang mga diyosesis at parokya, na magagamit at maaaring magamit para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ang mga napili sa proyekto ay ang mga pamilya na napapabilang sa tinatawag na “Ultra Poor Families” o kumikita lamang ng mas mababa pa sa P10,000 kada buwan, ano man ang kanilang relihiyon o grupo na kinabibilangan.
Kaugnay nito, inaasahan din na 5 libong malnourished children ang pakakainin ng Caritas Manila at Accenture Phillippines sa NCR+.
Ikinagagalak din ni Accenture Philippines Country Managing Director Mr. Lito Tayag ang ugnayan na ito ng kanilang organisasyon at ng Caritas Manila.
Aniya, nagtitiwala sila sa kakayanan ng Caritas Manila na maging matagumpay ang proyekto kasabay ng kanilang layunin na magkaroon ito ng positibong epekto sa buhay ng mga mahihirap nating kababayan.
“As Fr. Anton [Pascual] has mentioned our beneficiaries are really the poorest among the poor and caritas has that reach, for those demographics that we wanted to [positively] impact and they are able to reach out and scale up the reach out to its communities in a shorter period of time because they have done this in the past this is something that they are familiar with, they have the organization, they have the capability to execute on this positive impact to our communities,” pahayag ni Mr. Tayag kasabay ng ginawang virtual presser na inorganisa ng Accenture Philippines.
Maliban sa Caritas Manila, tutulong din ang Accenture Philippines sa Philippine Business for Social Progress at Philippine Business for Education para naman sa livelihood and education program na kapwa din naapektuhan ng husto dahil sa pandemya.
Magugunitang una nang nagsagawa ng pagtulong ang Caritas Manila sa may 1.38 milyong pamilya katuwang ang ilang mga pribadong kumpanya at organisasyon noong taong 2020 kung saan namigay ito ng mga gift certificates o voucher kasabay ng pagpapatupad ng mga community quarantine sa bansa.