519 total views
Nawa’y ipagkaloob sa sambayanang Filipino ang ganap na kapanatagan at kaligtasan laban sa iba’t ibang sakuna at karamdaman. Ito ang panalangin ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Bishop Promoter ng Stella Maris-Philippines kaugnay sa mga nagaganap na sakuna at patuloy na pakikipaglaban ng bansa sa pandemya.
Dalangin ni Bishop Santos na nawa’y sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ng Panginoon ay ipagkaloob ang kapayapaan sa kapaligiran at kaligtasan ng bawat isa sa panganib na dala ng sakuna at karamdaman.
“Bigyan po Ninyo ng kapanatagan ang aming kalikasan: maging banayad ang hangin at ang ulan, manahimik na ang bulkan, mawala ang paglindol at mapawi na ang pandemya. Sa Inyong awa at pag-ibig, ipagkaloob po Ninyo ang nararapat sa amin: kapayapaan sa aming paligid at kaayusan ng bawat isa, kalakasan ng katawan at isipan, kagalingan sa lahat ng aming karamdaman, kaligtasan mula sa kapinsalaan at kasalanan,” panalangin ni Bishop Santos.
Nagbabala naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling handa bunsod ng patuloy na pag-uulang dulot ng habagat o Southwest Monsoon.
Batay sa huling ulat ng ahensya, umabot na sa mahigit 200,000-katao o nasa 50,000 pamilya ang higit na apektado ng patuloy na pag-uulan sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.
Habang hindi naman bababa sa 38,000-katao o nasa 10,000 pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers. Naitala rin ang halaga ng pinsala sa agrikultura na umabot sa mahigit P100-milyon at halos P2.4 na milyon naman sa mga imprastraktura.