160 total views
Mga Kapanalig, sa isang asembliya ng partidong PDP-Laban, nang muli na naman niyang buksan ang usapin tungkol sa pagtakbo niya bilang bise presidente sa darating na halalan, nagbitiw ng ganitong mga salita si Pangulong Duterte: “Sabi ng batas, kung bise presidente ka, may immunity ka. Eh ‘di tatakbo na lang ako ng bise presidente.”
Sinundan ito ng palakpakan ng mga miyembro ng partido at ng mga taong nanonood (at sumusuporta) sa kanyang naroroon sa pagpupulong. Sa mga nakalipas na araw, iba-iba ang sinasabing motibo ng pangulo sa kanyang umano’y pagtakbo sa susunod na eleksyon. Ngunit sa pagkakataong ito, malinaw ang nais niyang ipahiwatig: tatakbo siya sa pagka-bise presidente upang takasan ang mga kasong maaaring isampa laban sa kanya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Bakit nga ba tila may nais takasang pananagutan ang pangulo?
Matatandaang sa paunang imbestigasyon ng dating prosecutor ng International Criminal Court (o ICC), mayroon daw itong pinanghahawakang ebidensyang nagpapatunay na nagkaroon ng crime against humanity sa Pilipinas mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019. May kinalaman ang mga ito sa giyera kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte. Nakadidismaya—ngunit hindi na nakagugulat—na wala raw balak si Pangulong Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon hanggang matapos ang termino niya sa 2022. Iginiit pa ni Secretary Harry Roque, tagapagsalita ng pangulo, na wala raw karapatan ang ICC na mangialam at mag-imbestiga lalo’t tumiwalag na rito ang Pilipinas noong 2019. Umiiral pa rin naman daw ang sistemang pangkatarungan sa Pilipinas. Ngunit ayon sa ICC, may hurisdiksyon pa rin ang korte nito sa mga umano’y krimeng nangyari sa bansa noong panahong saklaw pa ito ng ICC kahit pa naging epektibo na ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2019. Sinabi na rin ng Korte Suprema na hindi maaaring umatras o hindi makipagtulungan ang estado sa gagawing mga pagsisiyasat at paglilitis.
Mahalaga ang ICC probe bilang hakbang sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng war on drugs. Hindi katulad ng mga nakabinbin at nakahain nang criminal complaints laban sa ilang mga pulis, may kinalaman ang ICC investigation sa isang sistematikong krimen kung saan may malawakang pattern o may pagkakahalintulad at nauulit ang mga kaganapan. Dahil ito ay itinuturing na sistematiko, hindi lamang iisang indibidwal ang biktima at suspek: may mga makapangyarihang taong nagbibigay-kumpas upang mangyari o maisagawa ang malawakang krimen laban sa isang tukóy na populasyon, kaya rin ito tinawag na crime against humanity.
Biro man—tulad ng maraming pahayag ng pangulo sa publiko—ang pahayag niya tungkol sa pagtakbo bilang bise presidente para umiwas sa mga demanda, nilinaw pa rin ng mga prominenteng abogado na walang binabanggit sa Saligang Batas ng 1986 na may immunity sa mga litigasyon at demanda ang isang bise presidente. Ngayong mag-uumpisa na ang pormal na imbestigasyon ng ICC sa mga susunod na buwan, hindi rin epektibo ang presidential immunity sa international court. Sa mga ganitong pahayag ng pangulo, para na rin niyang inaaming may atraso siya sa publiko at takót siyang harapin ito. Gaya ng paalala mula sa Mga Kawikaan 21:15, “kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.”
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang kapangyarihan at tungkulin ng mga mamamayang papanagutin ang kanilang mga pinuno. Kaya, mga Kapanalig, huwag nating hayaan ang mga itinalaga nating mga lider na gamitin ang kapangyarihang ibinigay natin sa kanila upang takasan ang batas at unahin ang kanilang pansariling hangarin. Tandaan nating pangunahing tungkulin ng pamahalaang itatag ang isang makatarungang lipunan. Hindi natin ito makakamit kung sila mismo ang lalabag dito, kung sila mismo ang magiging hadlang sa mabuti at tuwid na pamamahala.