173 total views
Kapanalig, huwag na natin palawakin pa ang distansya sa pagitan ng mga may kaya at maralita. Nasabi nga sa Evangelii Gaudium, habang mas mabilis tumataas ang kita ng iilan, mas lumalawak naman ang agwat na naghihiwalay sa mayaman at maralita. Kailangan na nating gumawa ng kongkretong paraan upang atin ring maitaas ang kinikita ng mas maraming kababayan natin sa bansa na naghihirap na.
Ayon sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank Institute (ADBI), mas lumawig ang pa income gap sa ating bansa dahil sa COVID-19. Mas naghirap ang mga maralita habang mas tumaas ang kita ng maykaya. Base sa survey ng ADBI, mga 40 percentage points ang kaibahan o difference ng kahirapang pang-pinansyal na naranasan ng mga maralitang kabayahan at mga maunlad na kabayahan o households. Liban pa dito, mga 85% ng mga na-survey ng ahensya sa bansa ang nagsabi na nakaranas sila ng financial difficulties, at 84% din ang nagsabi na bumagsak ang kanilang kita.
Sa panahon ng pandemya, kapanalig, mas bulnerable ang mga maralita. Atin namang nakita na sa panahon ng krisis, sila ang ang unang nawawalan ng kita at sila rin ang unang tinatamaan ng mga kalamidad at sakit. At sa bawat hataw ng trahedya, walang masandalan ang maralita. Kulang na kulang ang kanilang mga safety nets at social protection. Sa mga pagkakataon naman na naglalatag ng social amelioration ang pamahalaan para mabawasan ang bigat ng problemang dinadala ng maralita, malawakang isyu naman sa implementasyon ang bumubulaga sa lipunan.
Kapanalig, kailangan ng ating bansa ng mas epektibong social protection na ating maibibigay sa mga mamamayan sa mas mabilis na paraan. Isa itong pinakamabisang paraan upang mabawasan ang kahirapan at mapaliit ang income inequality sa bansa. Kapanalig, kailangang-kailangang ito ng mga kababayan natin. Nakipagsapalaran ang marami sa ating mga kababayan noong distribusyon ng Social Amelioration Program, isang uri ng social protection, noong kahitikan ng pandemya sa Metro Manila. Hanggang ngayon, marami pa ring umaasa dito. Base sa karanasan ng marami, kailangan natin ng mas mainam na paraan upang mas mapadaling mapasakamay ito ng mamamayan.
Ang income gap kapanalig ay hindi lamang numero o statistika. Ito ay panlipunang realidad na humihila sa ating bansa paibaba. Hangga’t hindi inklusibo ang kaunlaran sa bayan, ang tunay na kaunlaran ay hindi natin makakamtam, kahit kailan. Ayon nga sa Mater et Magistra, “The unbridled luxury of the privileged few stands in violent, offensive contrast to the utter poverty of the vast majority.”
Sumainyo ang Katotohanan.