193 total views
Sinabi ni Marta kay Jesus, "Panginoon, kung narito kayo hindi sana namatay ang aking kapatid." (Juan 11:21) Maraming pagkakataon, Panginoon ganyan din aming sinasabi kapag kami ay sakbibi ng dalamhati, tulad ni Santa Marta sa pagpanaw ng kapatid nilang si San Lazaro: Kung narito ka, Panginoon.....
...hindi sana nagkaroon ng pandemic, ...hindi sana kami nagipit, ...hindi sana kami nagkasakit, ...hindi sana kami nagkamali, ...hindi sana kami kinakapos, ...hindi sana kami nagugutom, ...hindi sana kami naghikahos, ...hindi sana kami nalinlang, ...hindi sana kami nasaktan, ...hindi sana kami nawalan, ...hindi sana kami nagkahiwalay, ...hindi sana kami napaalis, ...hindi sana kami natalo, ...hindi sana kami napahiya, ...hindi sana kami sumuko, ...hindi sana kami napatigil sa pag-aaral, ...hindi sana kami naulila, ...hindi sana kami naligaw, ...hindi sana kami nabigo, ...hindi sana kami nagkaganito.
Tiyak na marami pa kaming masasambit na sana ay hindi nangyari kung narito ka, Panginoong Jesu-Kristo katulad ni Santa Marta nang pumanaw kapatid niya at kaibigan ninyo na si San Lazaro; ngunit hayaan din ninyo na aming mapagtanto kalooban at layon ninyo kaya kayo naparito upang kami ang maging kapanatilihan mo at sumaklolo sa mga nasa peligro.
Itulot po ninyo, Panginoon aming tularan bunsong kapatid nina Santa Marta at San Lazaro, si Santa Maria ng Betanya: manatili sa iyong paanan, magnilay at madalisay ang buhay sa pananalangin upang sa pagdamay namin sa mga nahihirapan at nabibigatan ikaw bilang Buhay at Muling Pagkabuhay ay kanilang panaligan sa aming pagkakapatiran at pagtutulungan maramdaman nila, narito ka, Panginoon!