377 total views
Umapela ng tulong ang Diocese of Balanga sa lalawigan ng Bataan matapos na maapektuhan ng pagbaha ang maraming bayan dahil sa Habagat.
Ayon kay Rev. Fr. Tony Quintos, Economus ng Diyosesis ng Balanga at kura paroko sa Hermosa Bataan, marami sa kanilang mga kababayan ang nangangailangan ngayon ng tulong dahil sa ilang araw na walang tigil na pag-ulan at paglubog sa baha ng maraming kabahayan at establisyemento.
Nanawagan ng tulong si Fr. Quintos at ang buong Diyosesis sa agarang pagbibigay ng pagtulong para sa ating mga kababayan.
“About 4,400 Families ang affected dito pa lang sa buong bayan ng Hermosa…kailangan natin ng tulong kung meron, Hermosa pa lang ito…marami ang apektado sa Balanga, sa Pilar practically the whole province marami families ang affected nag-declare na nga ng state of calamity ang Balanga at Dinalupihan,” pahayag ni Fr. Quintos sa Radio Veritas 846.
Bagamat nabawasan na ang mga pag-ulan ay patuloy na nakakaranas ng mataas na tubig baha ang maraming lugar sa Bataan.
Maging ang Cathedral ng Diocese of Balanga ay hindi nakaligtas sa pinsala na dulot ng pagbaha.
Batay sa ulat, umabot na sa mahigit isang milyong piso ang halaga ng pinsala na naitala sa lalawigan ng Bataan dahil sa mga pagbaha dulot ng Habagat.