160 total views
Nalulungkot ang CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ( CBCP-ECMI) sa kumplikadong ulat hinggil sa naging aksyon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ng pagbitay kay Mary Jane Veloso sa Indonesia.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, dahil ‘conflicting’ ang ulat, mas dapat pa ring malaman ang katotohanan dito dahil bago tumulak ang pangulo sa nasabing bansa, nangako itong gagawin ang lahat para matulungan si Veloso na siyang pinanghahawakan ng sambayanang Filipino.
“Yun balita ay una sa lahat dapat nating intindihin at pag-aralan sapagkat dapat nating malaman ang buong katotohanan, pahayag naman sa atin ng pamahalaan hindi ganun ang kanyang tugon, alam natin bago siya umalis sinabi niya na makikiusap siya sa pamahalaan ng Indonsesia, kay president Widodo at alam naman natin ang pamilya ni Mary Jane ay sumulat at humiling at nangako ang pangulo na tutulong yun ang ating pinanghahawakan, kung saan ang pangulo ay tutulong, bigyan nating pansin na ang lahat ng naglilingkod sa bayan ay may pangunahing tungkulin to protect and serve, nababahala lang tayo sa lumalabas na balita at tiyakin na ito ay may katotohanan,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa kabila nito, naniniwala ang obispo na si Veloso ay biktima lamang kaya’t umapela rin ito sa pamahalaan na madaliin ang paglilitis sa 2 ilegal recruiters nito lalo na at hinihintay ito ng Indonesia na pagbabatayan sa kanilang desisyon kung bibigyan ng clemency ang nasabing Filipina.
“Malaki ang ating paniniwala na si Veloso ay biktima , unwilling victim na siya ay ginamit na ang kanyang kawalang kaalam sa panahon nayun at sa lugar na yun kaya siya nabiktima at nalinlang, at tayo ay may pinanghahawakan yung nahuling 2 ilegal recruiters niya, na involved din sa West African dug syndicate na dapat bigyang pansin at maganda dahil nasa kulungan na ang dalawang ito, hiling lang din natin dapat bigyang pansin ang proseso, pabilisin ang hearing… magandang pabor ito at posisyon kay Mary Jane upang makita na siya talaga ay biktima ng human trafficking at ginamit lamang siya, ang desisyon ang ipadadala sa pamahalaan ng Indonesia na naghihintay kung ano ang magaganap sa hearing sa Cabanatuan sa RTC 37,” ayon pa sa obispo.
Nakiusap din si Bishop Santos sa mga mananampalataya na patuloy na ipanalangin na maligtasan ni Veloso ang parusang bitay.
Abril ng 2010, nakuhanan si Veloso ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe sa Indonesia.
Nasintensiyahan ng kamatayan si Veloso noong October ng 2010 subalit naipagpaliban ito dahil sa moratorium sa capital punishment na ipinag-utos ng Presidente noon na si Sucilo Bambang Yudhoyono kaya’t nailipat ang execution noong January 2015 na hindi na naman natuloy dahil sa mga protesta at pakiusap ng pamahalaan ng Pilipinas na hintaying matapos ang kaso laban sa ilegal recruiters ni Veloso.