208 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga ipinagmalaki ni Pangulong Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (o SONA) ang pagkakawala raw ng “misery of public commuting” o ng pagdurusa ng publiko sa pagko-commute. Bunga raw ito ng mga proyektong katulad ng pag-upgrade sa MRT 3, pag-extend ng LRT 2, at pagbubukas ng Metro Manila Skyway.
Tiyak na hindi naranasan ni Pangulong Duterte at ng marami nating mga lider na mag-abang ng kanilang masasakyan nang matagal. Hindi nila nasusubukang makipagbalyahan sa ibang pasahero upang makaupo sa jeep. Hindi sila nakikipagsiksikan sa mga van at nagpalipat-lipat ng sasakyan makarating lamang sa kanilang patutunguhan. Hindi sila gumigising nang maaga upang maiwasan ang mahabang pila ng mga mananakay sa LRT o MRT. Hindi sila napipilitang tumayo sa bus o sumabit sa jeep dahil komportable sila sa kanilang de-aircon na sasakyan. Ang iba sa kanila ay gumagamit pa ng wang-wang o mayroon pang tagahawi sa daan upang hindi sila maipit sa trapik.
At hindi rin yata nila alam na dahil sa nagpapatuloy na pandemyang bigong mapigilan ng pamahalaan, nagtitiis ang publiko sa kakaunting pampublikong sasakyan. Ayon sa grupong Move As One Coalition, hindi bababa sa 70% ng mga manggagawang hindi posible para sa kanila ang work-from-home ang nahihirapang makarating sa kanilang pinagtatrabahuhan mula noong nagsimula ang pandemya. At dahil kakaunti ang mga masasakyang pampublikong transportasyon, nagbunga ito ng 20% na pagtaas ng pamasahe. Masakit ito sa bulsa ng mga mananakay na sumasahod nang arawan at hindi regulár ang pinapasukang trabaho. Dahil limitado lamang ang bilang ng pasaherong maaaring sumakay sa jeep, bus, at van—alinsunod na rin sa regulasyon para mabawasan ang pagkakahawa sa loob ng mga ito—nagkakaroon ng mahabang pila ng mga mananakay at hindi na nila nasusunod ang physical distancing.
Ano kayang misery o pagdurusa sa pagko-commute ang sinabing tagumpay na nawakasan ng administrasyon?
Pinahahalagahan maging ni Pope Francis ang pampublikong transportasyon. Binibigyang-pansin sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’ ang pagbibigay-prayoridad sa pampublikong transportasyon lalo na sa mga lungsod. May kinalaman ang sistema ng transportasyon sa mga lungsod sa kalidad ng buhay ng mga naninirahan sa mga ito. Kung magulo ang sistema ng transportasyon sa ating mga lungsod, matinding pagtitiis ang daranasin ng mga tao. At, mula sa lente ng ating pananampalatayang Katoliko, ang ganitong uri ng buhay ay salungat sa paggalang sa ating dignidad bilang mga tao.
Dito sa ating bansa, ang kawalan ng maayos na sistema ng pampublikong transportasyon ay nagtutulak sa maraming bumili ng sarili nilang sasakyan. Sa pagdagsa ng mga ito sa ating mga lansangan, matinding trapiko at polusyon ang dala nila, at nakaapekto ito sa ating ekonomiya at kalusugan. Kasabay ng kawalan ng disiplina ng marami sa pagmamaneho, ang hindi maayos na pamamalakad ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ay nagdadala rin ng kalbaryo sa mga mananakay. Ang nasasayang na oras, masamang epekto sa kalusugan, at matinding stress na dala ng hindi maayos na sistema ng transportasyon sa mga lungsod ay nakaambag sa isang hindi kaaya-ayang kalidad ng buhay na banta naman sa ating dignidad. Maaaring hindi na natin ito napagtatanto dahil nasanay na tayo sa uri ng pamumuhay sa ating mga lungsod. Ang malungkot pa, ang mga naatasang ayusin ito ay nakukuntento na lang sa pagpapatayo ng mga kalsada at highway na ang mas nakikinabang ay ang mga may sariling sasakyan at pambayad ng toll.
Mga Kapanalig, huwag nating hayaang dumating ang panahong magagaya ang ating mga lungsod sa “nagdadalamhating lupain” na inilarawan sa Hosea 4:3 kung saan “nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito.” Sana’y sa darating na eleksyon, piliin natin ang mga lider na tunay na magpapagaan sa pagdurusa ng mga mananakay.