373 total views
Magsisimula na mamayang hatinggabi ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region na magtatagal hanggang Agosto 20.
Ipinag-utos ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases upang maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at paglaganap ng mas nakakahawang Delta Variant.
Ayon sa Department of Health, sa 17 lungsod sa Metro Manila, siyam rito ang nakapagtala ng kaso ng pinangangambahang delta variant.
Ito ay ang mga lungsod ng Las Pinas na nakapagtala ng 14 na kaso ng Delta variant, sumunod ang Maynila na mayroong 12 kaso; Pasig na may anim na kaso, Caloocan at Malabon na may tig-apat na kaso; habang ang Makati naman ay mayroong tatlong kaso; Mandaluyong at San Juan na may tig-dalawang kaso at Valenzuela na may isa lamang na kaso.
Samantala, nakatakda namang maglabas ng desisyon ngayong araw, Agosto 5, ang IATF hinggil sa ipapatupad na community quarantine classification sa mga lalawigan sa CALABARZON kung saan nakapagtala rin ng mataas na kaso ng Delta variant.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Modified ECQ ang buong lalawigan ng Laguna hanggang Agosto 15, habang nasa ilalim naman ng General Community Quarantine with heightened restrictions ang Cavite, Rizal at Lucena City hanggang Agosto 15, at GCQ naman sa Batangas at Quezon hanggang Agosto 30.
Batay sa huling tala ng DOH-Region 4A, naitala ang 12,317 kabuuang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa CALABARZON matapos makapagtala ng 1,001 panibagong kaso. Naitala naman ang 638 panibagong bilang ng mga gumaling at 32 naman ang mga nasawi.
Patuloy naman ang pagtalima ng simbahan sa mga ipinapatupad na panuntunan ng pamahalaan bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga mananampalataya laban sa nakakahawang virus.