414 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, Palawan sa pagdating ng bagong Apostolic Vicar ng Taytay, Palawan na si Bishop Broderick Pabillo.
Ayon kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, maituturing na isang biyaya ang muling pagbabalik ni Bishop Pabillo sa Palawan na matagal ring nagsilbi bilang pari sa Bikaryato bago naging isang ganap na obispo.
“Welcome back to Palawan, hindi naman po bago kay Bishop (Pabillo) ang Palawan kasi matagal siyang nagtrabaho dito bilang Pari bago siya naging Obispo matagal siya dito so kaya balik Palawan po, welcome at alam na alam na po niya ang sitwasyon ng Palawan, so hindi bago sa kanya,” pahayag ni Bishop Mesiona sa Radio Veritas.
Batid ni Bishop Mesiona ang kagalakan ng mga pari at layko sa Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan sa pagkakaroon ng bagong pinunong pastol sa katauhan ni Bishop Pabillo na kilala sa pagiging masigasig at determinasyon sa mga gawain at misyon na kanyang hinaharap.
“I’m sure masaya ang mga pari at mga layko sa Apostolic Vicariate ng Taytay kasi matagal na silang nag-aantay ng kanilang Obispo, I’m sure masaya sila dahil kilala na din po nila si Bishop Pabillo at eager na silang i-welcome, excited na sila na magkaroon sila ng pastol lalo na katulad ni Bishop Pabillo na masigasig at talagang very committed sa kanyang gawain,” dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Hinikayat naman ni Bishop Mesiona ang bawat isa na ipagpatuloy ang pananalangin para sa bagong misyong kahaharapin ni Bishop Pabillo bilang bagong Obispo ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.
Paliwanag ni Bishop Mesiona, higit na kinakailangan ni Bishop Pabillo ang panalangin para sa kanyang mabuting kalusagan at kaligtasan lalo na at matatagpuan sa iba’t ibang isla ang halos kalahati ng mga parokya sa Bikaryato ng Taytay.
“Ang mensahe ko lang po sa lahat ay siguro ipagpatuloy natin we pray for him, we pray for his mission kasi po medyo it’s really a tough assignment, tough in the sense na one half o kalahati ng kanyang mga parokya sa bikaryato ay mga isla so he will do a lot of travel sa dagat, so we pray for his good health, we pray for his safety kasi alam naman natin yung weather ay pabago-bago so it’s not an easy mission so we pray for that,” apela ni Bishop Mesiona.
Taong 1999 ng magsilbi si Bishop Pabillo bilang bahagi ng kaparian ng Puerto Princesa, Palawan bago itinalaga bilang katuwang na obispo sa Arkidiyosesis ng Maynila noong Mayo 24, 2006.
Ang Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan na naging sede vacante noong taong 2018 ay isa lamang sa dalawang ecclesiastical territories sa Palawan kung saan pinamumunuan ni Bishop Socrates Mesiona ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa.