398 total views
Naglabas ng tagubilin ang Diocese of Gumaca kasunod ng pagsasailalim sa lalawigan ng Quezon sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions mula ika-6 hanggang ika-15 ng Agosto.
Nasasaad sa liham sirkular ni Gumaca Bishop Victor C. Ocampo ang pagtugon at pakikibahagi ng diyosesis sa mga ipinatutupad na alituntunin ng pamahalaan bilang pag-iingat at upang mapigilan ang paglaganap ng Delta variant ng COVID-19 virus sa bansa.
Ayon sa tagubilin ni Bishop Ocampo, bagamat pinahihintulutan ang pagdiriwang ng Misa, pagkakaloob ng mga Sakramento, pagbabasbas at mga gawaing may kinalaman sa pangangalagang pampastoral at pagkakawanggawa ay dapat naman itong isagawa ng may ibayong pag-iingat at pagsasaalang-alang sa ipinatutupad na safety health protocol ng lokal na pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang pagsunod ng 10-porsyento hanggang 30-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan upang maiwasan ang ipinagbabawal na mass gathering ng mga mamamayan.
“Ipinahihintulot ko ang mga pagdiriwang ng Misa, pagkakaloob ng mga Sakramento, pagbabasbas at mga gawaing may kinalaman sa pangangalagang pampastoral at pagkakawanggawa subalit ang mga ito ay isasagawa nang may ibayong pag-iingat at pagsasaalang-alang sa ipinatutupad ng LGU: 10% or 30% venue capacity for religious gatherings (cf. IATF Resolution No. 131, Series of 2021, No.3, i).”
Ang bahagi ng Liham Sirkular Blg. 7, Serye 2021 ni Gumaca Bishop Victor C. Ocampo. Binigyang diin rin ni Bishop Ocampo, ang dapat na regular na pakikipag-ugnayan ng mga parokya sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang malaman kung ano ang mga dapat na isaalang-alang sa pagpapatuloy ng mga gawaing pangsimbahan batay na rin sa sitwasyon at banta ng virus sa lugar.
“Maaaring magkaroon ng mga dagliang pagbabago sa mga iskedyul sa parokya at tanggapang pandiyosesis o sa pagtugon ng mga pari sa mga kahilingan hinggil sa mga sakramento o sakramental at maging sa mga transaksyon sa tanggapan ng kanilang parokya, depende sa kalagayan sa kanilang lugar. Kung kaya nga, malimit na makikipag-ugnayan ang mga Lingkod-Pari at kanilang Parish Pastoral Council (PPC) sa MIATF/ LGU para malaman ito at maisaalang-alang nila sa tuwina ang pag-iingat ng sambayanan sa virus.” Dagdag pa ni Bishop Ocampo.
Hinihikayat naman ng Obispo ang bawat isa lalo na ang bawat pamilya na patuloy na paigtingin ang sama-samang pananalangin ng Oratio Imperata upang tuluyan ng mawakasan ang pagkalat ng virus hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig.