383 total views
Nakikiisa ang kinatawan ng Vatican sa Pilipinas sa pagdiriwang at kagalakan ng sambayanang Filipino sa katatapos lamang na Olympics na ginanap sa Tokyo, Japan.
Ngayong taon, nakapag-uwi ang mga manlalaro ng bansa ng apat na medalya, isang ginto; dalawang pilak at isang tanso.
Ang gintong medalya na napanalunan ni Hidilyn Diaz sa 55 kg weightlifting women’s competition ang kauna-unahan at tanging gintong medalya ng Pilipinas.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, ito ay hindi lamang pagdiriwang ng mga Filipino kundi ng mga mananampalatayang Katoliko lalo’t ipinagmamalaki ng manlalarong si Diaz ang kaniyang pananampalatayang Kristiyano at masidhing debosyon sa Mahal na Birhen.
‘Of course our joy was multiplied by Hidilyn Diaz winning that gold medal in weigth lifting and then attributed it to Our Lady and showing the Miraculous Medal.
And that of course a pride not only to Filipinos but to the Catholics around the world,’ ayon kay Archbishop Brown sa programang Apostolic visit on-the-air ng Radio Veritas.
Nakikiisa rin si Archbishop Brown sa pagpapasalamat kay Diaz sa kaniyang dalang tagumpay sa bansa at pagpapamalas ng debosyon sa Mahal na Birhen. Bukod sa medalya mula sa palaro, suot din ni Diaz ang Our Lady of Miraculous medal na pinag-aalayan ng kanyang tagumpay sa pamamagitan ng Mahal na Birhen.
Ito na ang pinakamaraming medalya na naiuwi ng Pilipinas sa kasaysayan ng pagsali sa Olympics na sa kabuuan ay may 14 ng medalya.