161 total views
Mahalagang kasama sa rehabilitasyon ng ‘drug surrenderers’ ang kanilang pamilya tungo sa pagbabagong buhay.
Ito ang inihayag ni Fr. Luciano Feloni, parish priest ng Our Lady of Lourdes Parish ng Diocese of Novaliches na unang naglunsad ng community based rehabilitation sa mga drug dependent bilang tulong sa dumaraming bilang ng mga sumusukong gumagamit ng ilegal na droga sa kanilang lugar.
“Very important yung support ng buong komunidad. Dito mararamdaman nila na hindi sila ostracized. Yung community ay kasama sa paghilom sa proseso. Yung family is very important kaya may program din tayo para sa pamilya yung tinatawag na mga co-dependent, mga kasama niya maaring ang asawa, anak o magulang na nagtiis ng presensya ng adik sa kanilang tahanan,” ayon kay Fr. Feloni.
Sa inilunsad na programa, mula sa 46 na sumuko ay 18 ang maari nang ipaloob sa community based rehabilitation ng diyosesis at kasalukuyan nang sumasailalim sa formation kasama ang mga church volunteers para sa counseling.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine National Police, may 700 libong drug surrenderers ang naitala ng pulisya mula sa higit 3 milyong bilang ng sinasabing sangkot sa ilegal na droga.
Paglilinaw pa ni Fr. Feloni, may apat na stages ang pagiging addict na siyang sinusuri ng Department of Health at tanging ang nasa stage 1 and 2 lamang ang maaring ilagay sa community based rehabilitation habang ang ilan ay kinakailangan ng in house treatment hanggang sa kanilang paggaling.
Sinabi pa ng pari na ang programa ng Pangulong Rodrigo Duterte ay ang putulin ang supply ng droga sa bansa at ang maitutulong naman ng simbahan ay ang demand para sa rehabilitation ng mga nalulong sa droga.
“ They (government) try to stop yung supply ng droga. Ang aspeto kung saan tutulong ang tingin ko yung simbahan is yung sa demand, paano mare-rehab kasi otherwise hahanap sila ng alternatibong droga. If you are addicted at hindi ka narehab, hahanap ka ng kapalit doon,” dagdag pa ni Fr. Feloni.
Sinimulan na rin ngayong araw ng San Roque de Manila Parish sa Blumentritt, Manila ang community based rehabilitation makaraang may 40 drug dependents ang sumuko sa simbahan, ayon kay Fr. Tony Navarrete parish priest ng simbahan.
Ang Caritas Restorative Justice Ministry kasama ang ilang institusyon ng simbahan ay naghanda ng programa na tutugon sa rehabilitasyon ng mga drug dependents, maging sa kanilang pamilya kasama na rito ang livelihood program.
Nanindigan ang simbahan laban sa nagaganap na pagpaslang o ang extra judicial killings na naitala na sa higit 2 libo sa mga hinihinalang drug addicts at pushers sa halip ay ang paglalatag ng programa para sagipin ang mga naliligaw ng landas.