672 total views
Pinaigting ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagpalaganap ng misyon ng Simbahan tungo sa pagkakaisa at pagkakaunawaan sa kapwa kristiyano.
Inilunsad ng CBCP at Iglesia Filipina Independiente ang dalawang mahahalagang dokumento na pinamagatang “Celebrating the Gift of Faith, Learning from the Past and Journeying Together” at ang “Mutual Recognition of Baptism” sa pagitan ng dalawang simbahan.
Kaugnay nito hinimok ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles ang mga parokya sa buong bansa na ibahagi sa mananampalataya ang mga dokumentong napagkasunduan ng Roman Catholic Church (RCC) in the Philippines at IFI.
“The IFI is scheduled to read and share these documents to their parishes on August 15, 2021. It will be good if the documents could also be shared and announced to all the parishes on that same date,” bahagi ng liham sirkular ni Archbishop Valles.
Kabilang sa mga babasahin ang sumusunod na dokumento:
1. Joint statement “Celebrating the Gift of Faith, Learning from the Past and Journeying Together”
2. Mutual Recognition of Baptism between the Iglesia Filipina Independiente and the Roman Catholic Church in the Philippines
3. Directory of the Iglesia Filipina Independiente Churches. This Directory lists all the parish and mission churches that belong to the IFI and are under this mutual agreement.
4. IFI Directory. This lists the names and addresses of the bishops belonging to the IFI.
5. IFI and Its Separated Brethren. This article lists and briefly outlines the history of the churches that have separated from the IFI and therefore their baptisms are not included in the mutual agreement.
Ginanap ang paglunsad sa dalawang dokumento sa pagitan ng RCC at IFI noong Agosto 3, 2021 sa National Cathedral ng IFI sa Taft Manila kasabay ng pagdiriwang ng ika – 119 na anibersaryo ng pagkakatatag ng grupo.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez sinabi nitong mahalaga ang pagkakasundo ng bawat mamamayan tungo sa iisang hangaring magbigay papuri sa Diyos.
Aktibo ang Obispo sa Ecumenical Bishops’ Forum kung saan higit na isinusulong ang pagkakaisa ng bawat simbahan sa kabila ng pagkakaiba ng paniniwala bilang pagsasabuhay sa turo ng Panginoon na palaganapin ang pag-ibig sa kapwa.
Nanindigan din ang IFI na ang hakbang ay pakikiisa sa Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity.
Sinabi ng IFI na ito rin ay tanda ng paghilom sa anumang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang institusyon sa mahabang panahon dahil sa magkakaibang paniniwala.
Kapwa pinagsumikapan ng magkabilang panig ang pagsasakatuparan nito sa pangunguna ng CBCP Episcopal Commission on Ecumenical Affairs na pinamumunuan ni Cotabato Archbishop Angelito Lampon at CBCP Commission on Mutual Relations na pinangasiwaan naman ni Cagayan De Oro Arcbishop Emeritus Antonio Ledesma.
Napagkasunduan ng RCC at IFI ang pagsasapubliko ng mga dokumento sa August 15 kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria.