409 total views
Tiniyak ng Diocese of Malolos na magpapatuloy ang kanilang pagtulong sa mga mahihirap sa kabila ng pagpapatupad ng mahigpit na quarantine measures.
Ayon kay Rev. Fr. Efren Basco, Director ng Commission on Social Action ng Diocese of Malolos, ginagawa nila ang lahat paraan para mabigyan ng tulong ang mga nangangailangan katuwang at ibang instiyusyon ng Simbahan sa kabila ng limitadong kakayahan.
Sinabi ni Fr. Basco, na simula pa ng magkaroon ng mga quarantine measure sa bansa ay naging bukas ang kanilang komisyon para makatulong hindi lamang sa mga apektado ng pandemya kundi maging sa mga naapektuhan ng kalamidad.
“Ngayong ECQ tuloy pa rin ang pagtulong sa kapwa nating mahihirap. Bukas ang aming tanggapan sa pagtulong sa kanilang sa aming makakaya at kabutihan din ng ilang mga donors,” pahayag ni Fr. Basco sa Radyo Veritas.
Magugunitang ang lungsod ng Valenzuela at lalawigan ng Bulacan na kapwa nasa ilalim ng nasabing Diyosesis ay madalas makaranas ng mga pagbaha habang marami rin ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.
“Patuloy pa rin ang aming suporta ng paunang tulong sa mga mahihirap at mga naapektuhan ng ECQ na ito, ngunit makatulong man kami, limitado naman ang aming supplies para makatulong sa mas malaking bilang ng mga tao na nangangailangan. Pero naghahanda kami ng plano para kahit papaano magampanan namin ang aming tungkulin,” dagdag pa ng Pari.
Nakataas ngayon ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila kabilang na ang lungsod ng Valenzuela habang General Community Quarantine with some restriction naman ang umiiral sa lalawigan ng Bulacan.
Kaugnay nito, tiniyak din ng Social Action Center ng Diocese of Imus na ang kanilang mga parokya ay nagpapatuloy sa pamimigay ng tulong.
Ayon kay Rev. Fr. Michael Cron, ilang mga pangunahing pangangailangan ang kanila ng naipamahagi sa mga nasasakupan ng Diyosesis ng Imus at umaasa ito na magsisilbing inspirasyon ang Simbahan para sa mga nawawalan ng pag-asa.
“Patuloy po ang aming ayuda sa mga Parokya na nangangailangan ng tulong. May mga bigas at de lata, ang Simbahan ang tulay ng mga may-kaya at may pangangailangan upang ang damayan at malasakitan ay maisakatuparan,” pahayag ng Director ng Social Action Commission sa Diocese of Imus, Cavite.
Kasalukuyang nakataas ang Modified Enhanced Community Quarantine sa lalawigan ng Cavite.