410 total views
Tiniyak ng Pag-IBIG Fund sa publiko na ginagamit sa wastong pamamaraan ang bawat kontribusyon ng mga kasapi ng institusyon.
Ito ang pahayag ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Chairman Eduardo Del Rosario makaraang nakuha ng institusyon ang pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit.
Paliwanag ng opisyal na sa kabila ng kinakaharap na krisis dulot ng coronavirus pandemic ay patuloy ang paglingap ng Pag-IBIG Fund sa mga miyembro sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyo at programa.
“We faced many challenges last year. However, we remained committed in managing the Filipino workers’ fund excellently. We implemented a number of loan payment reprieves and stimulus programs to help our members and stakeholders during the lockdown while ensuring that these did not affect our robust financial standing,” bahagi ng pahayag ni Del Rosario.
Ito na ang ikasiyam na magkakasunod na taon na makamit ng Pag-IBIG Fund ang COA highest audit rating.
Mula 2012 hanggang 2017 binigyan ng COA ang institusyon ng unqualified opinion habang 2018 hanggang 2020 binigyan naman ito ng unmodified opinion.
Nangangahulugang malinaw at wasto ang financial statements na isinumite ng institusyon para sa auditing ng COA.
Noong 2020 sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 pandemic agad na tinugunan ng Pag-IBIG Fund ang pangangailangan ng 4.8 milyong kasapi ng institusyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng 6-month grace period alinsunod sa Bayanihan I at II.
Mahigit sa 300 libong kasapi rin ang nakinabang sa 3-month loan paymenyt moratorium program habang 85 libong home loan borrowers ang nakinabang sa restruturing program.
Ibinahagi naman ni Pag-IBIG Fund CEO Acmad Rizaldy Moti na tumugon din ang institusyon sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng 10-bilyong pisong home construction fund sa mga accredited home developers.
Ayon kay Moti, ang pagkilala ng COA ay patunay na nasa maayos ang pamamalakad ng Pag-IBIG Fund sa kabila ng krisis na naranasan.
“Our latest unmodified opinion from COA shows that we have achieved three things last year. First, we were able to safeguard the health and welfare of our workforce which was necessary for the Fund’s continued service to the public. Second, we took good care of our members through the speedy deployment of programs responsive to their needs. And lastly, we were able to do all these while still maintaining the highest standards of financial integrity. That is Lingkod Pag-IBIG service at work,” ani Moti.