190 total views
Apat na malalaking rehabilitation centers ang ipapatayo ng pamahalaan para tugunan ang dumaraming bilang ng drug surrenderers sa maigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Atty. John Castriciones, Deputy Chairman ng Task Force Digong, kulang pa rin ang nasabing estabilisimyento lalo’t higit na sa 700 libo ang mga sumukong sangkot sa ilegal na droga sa loob ng 3 buwang kampanya ng pamahalaan.
Paliwanag ni Castriciones, sa kasalukuyang drug rehabilitation centers ng gobyereno 10 libo lamang ang maaring makagamit habang sa mga bagong ipapatayo ito ay may kakayahan lamang na 500 bawat center.
Dalawang rehabilitation centers ang itatayo sa Luzon, isa sa Visayas at isa rin sa Mindanao na nagkakahalaga ng P700 milyon na popondohan sa tulong na rin ng mga pribadong korporasyon.
Giit ni Castriciones, dahil dito ay nakikipagtulungan na ang DILG, PNP, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang ahensya ng gobyerno sa simbahan para sa out patient rehabilitation.
“Ito na nga po yung community based rehabilitation na kung saam after profiling, we classify our drug surrenderers whether they belong to first classification, second classification, third classification. Yung first classification, ito po yung experimenters, o curious users of drugs at siyempre meron pa rin silang addiction pero ang mangyayari po dyan pwede po silang mag undergo sila ng out patient at dahil dito ay parang nag-design po tayo ng programa para matugunan po ito,” ayon pa kay Atty. Castriciones.
Dagdag pa niya, “Pagkatapos po ng community based rehabilitation pag naka acquire na po sila ng mga vocational skills pwede naman po silang magtrabaho, yun pong mga kabataan I educate mag undergo po sila ng Alternative Learning System. Yung pangalawa po yung Center based na rehabilitation at pangatlo yung ilalagay na po sa mga mental institution yung po may psychosis o neurosis. Yun po ang tatlong classification marami pa po ito. So ito po yung ginagawa natin.”
Ang community based rehabilitation ay unang inilunsad sa Diocese ng Novaliches at ang Sanlakbay sa Pagbabago ng Archdiocese of Manila.
Hangad ng Sanlakbay na magkaroon ng 3 volunteers mula sa bawat parokya ng arkidiyosesis na magsisilbing counselor at formator ng mga out patient drug dependents. Ang Archdiocese of Manila ay binubuo ng may 86 na parokya.
Una na ring inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang droga ay hindi lamang problema ng gobyerno kundi ng buong komunidad lalu’t ito ay sumira sa ating lipunan at pamilya.