336 total views
Mga Kapanalig, long weekend na naman po tayo ngayon. Ngunit alam po ba natin ang dahilan?
Ipinagdiriwang ngayon ng mga Muslim ang Eid al-Adha, at bilang pakikiisa ng sambayanang Pilipino, idineklara itong non-working holiday ng ating pamahalaan. Ikalawa ang Eid al-Adha sa mga pangunahing kapistahan ng mga Muslim sa loob ng isang taon; ang una ay ang Eid al-Fitr o ang katapusan ng kanilang 40 araw na pag-aayuno.
Bakit ito mahalaga para sa mga kapatid nating Muslim?
Ang Eid al-Adha ay itinuturing nilang “Festival of the Sacrifice”, ang kapistahan ng pagsasakripisyo. Inaalala nila ang pagpayag ni Ibraham (na higit nating kilala bilang Abraham) na ialay ang kanyang anak na si Ishmael, tanda ng walang pasubaling pagsunod sa kalooban ng Diyos. (Matatagpuan din ang kuwentong ito sa Lumang Tipan ng ating Bibliya, kung saan ang isasakripisyo sana ni Abraham ay ang kanyang anak na si Isaac.)
Ngunit bago pa man maituloy ni Ibraham ang pagsasakripisyo sa kanyang anak, pinigilan siya ng isang anghel na nagsabing ikinalulugod ng Panginoon ang kanyang pagsunod. Sa halip, isang tupa na lamang ang kanyang isinakripisyo, at iyon ay hinati sa tatlong bahagi: ang una ay pinagsaluhan ng kanyang pamilya, ang ikalawa ay ibinahagi sa kanilang mga kaanak at kaibigan, habang ang ikatlong bahagi ay ibinigay ni Ibraham sa mga nangangailangan.
Sinisimulan ng mga Muslim ang pagdiriwang ng Eid al-Adha sa pamamagitan ng pagtungo sa mosque upang magdasal nang taimtim at makinig sa pangaral na ibabahagi sa kanila. Suot ang kanilang pinakamagarang damit, bibisita sila sa kanilang mga kapamilya at kaibigan para sa simpleng salu-salo. Ang mga maykaya ay bumibili ng tupa upang ibahagi sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at mahihirap, kahit ang mga hindi nila kakilala, gaya ng ginawa ni Ibraham. Ang pagbabahagi sa mga mahihirap ay itinuturing na pagtulong sa kanilang maipagdiwang din ang napakahalagang pistang ito sa mga Muslim. Kaya’t ang Eid al-Adha, gaya ng Eid al-Fitr, ay mga pagkakataon upang balikan at patatagin ng mga Muslim ang kanilang pagkakapatiran.
Katulad nating mga Katoliko, ang mga banal na araw tulad ng Pasko (ang araw ng kapanganakan ni Hesus) at ng Semana Santa (o ang pagsasakripisyo ni Hesus ng kanyang buhay para sa ating mga kasalanan) ay mga pagpapaalala sa atin tungkol sa mga pangunahing batayan o pundasyon ng ating pananampalataya.
Ngunit sa kasalukuyang paraan ng pagdiriwang o paggunita natin sa mga araw na ito o iba pang kapistahan nating mga Katoliko, may masasabi ba tayong araw kung saan, gaya ng mga Muslim, ay tahasan nating isinasama sa pagdiriwang ang mga kapus-palad? Marahil, kanya-kanya tayo sa pagbabahagi sa mga mahihirap, at walang masama roon. Maaari ring sabihing hindi lamang limitado sa isang araw ang pagbabahagi natin ng ating mga biyaya sa ating kapwa, at kahanga-hanga po iyon.
Subalit, hindi kaya’t mas natatabunan na ang ating pagdiriwang ng Pasko o ang paggunita sa mga Mahal na Araw ng mga gawaing walang kaugnayan sa kabanalan ng mga araw na ito. Hindi kaya’t marami sa mga pinagkakaabalahan natin sa mga araw na ito ay hindi nakatutulong na palalimin ang ating buhay-pananampalataya at patatagin ang pagkakapatiran natin bilang mga Katoliko? Ang mga kapatid nating Muslim ay nakapagdiriwang ng kanilang kapistahan nang walang magagarbong dekorasyon o maiingay na mga parada. Pinaglalaanan nila ng panahon ang pananahimik at pagdarasal. At gaya na ng nabanggit, itinuturing nilang bahagi ng pagdiriwang ang pagbabahagi sa mahihirap.
Pag-isipan po natin ito, mga Kapanalig. Tiyak akong may mapupulot tayong aral sa kung paano ipagdiwang at gunitain ng mga kapatid nating Muslim ang mga mahahalagang araw sa kanilang buhay-pananampalataya.
Sa mga kababayan nating Muslim, Eid Mubarak! Isang mabiyayang pagdiriwang po sa inyong lahat!
Sumainyo ang katotohanan.