174 total views
Nagpahayag ng suporta ang University of the Philippines – Manila College of Medicine – Department of Pharmacology and Toxicology para sa vaccination efforts ng pamahalaan upang mabigyang lunas ang umiiral na coronavirus pandemic sa bansa.
Ayon sa inilabas na pahayag ng nasabing departamento, sang-ayon ito sa ginagawang pagsisikap ng Department of Health at iba pang mga kawani sa kalusugan upang patuloy na matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa nakakahawang sakit.
Nakasaad din sa pahayag na tunay ngang nakakatulong ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 upang mabawasan ang panganib na maidudulot ng virus sa katawan ng tao.
“The faculty and staff of the Department of Pharmacology and Toxicology of the UP College of Medicine supports the evidence-based approaches to addressing the COVID-19 pandemic, including vaccination. Based on our evaluation of the evidence, the benefits of vaccination far outweigh the risks,” ayon sa pahayag ng departamento.
Hinihikayat naman nito ang publiko na magpabakuna ng COVID-19 vaccine para sa kaligtasan, gayundin ang pagkonsulta sa mga eksperto upang malinawan hinggil sa mga dapat na isaalang-alang sa pagbibigay lunas at pag-iwas sa epekto ng COVID-19.
Batay sa COVID-19 Tracker ng Reuters, umabot na sa mahigit 26 na milyon ang nakatanggap na ng bakuna o 12.1-porsyento sa kabuuang populasyon ang nabakunahan laban sa virus.
Patuloy naman ang panawagan ng simbahan sa mamamayan na magpabakuna laban sa virus upang tuluyang malunasan ang paglaganap ng virus sa lipunan.