229 total views
Kahit saang bahagi ng mundo ngayon kapanalig, tila madilim ang langit. Binabalot ng lungkot ng trahedya ang maraming mga bansa hindi lamang dahil sa global pandemic ng COVID-19, kundi sa mga kongkretong epekto ng climate change na damang dama na sa maraming bahagi sa buong mundo. Ayon sa United Change Climate Change Report, “Code Red” na ang sangkatauhan ngayon. Ang pag-init ng ating mundo ay nasa bingit na peligro, at malapit na ang panahon na hindi na natin mapipigilan ito. Tayo, ang mga tao, ang dahilan nito.
Ang mga extreme weather events ay nadadama na sa maraming parte ng mundo, gaya ng mga super typhoons at ang mga heat waves. Ayon sa report, ang mga severe heat waves na nangyayari isang beses kada 50 taon dati ay nangyayari na kada sampung taon. Sa ating bansa, ang mga mala-Ondoy na pagbaha ay mas madalas na nating nararanasan. Sa ibang parte naman ng mundo, ang mga matinding tagtuyot ay mas madalas na ring nadama–1.7 times–ang bilis-ayon sa report. Sa kasalukuyan, forest fires naman ang nadadama sa California, Greece pati sa Algeria.
Kaya’t napakahalaga, kapanalig, na kumilos ang ating mundo upang ating maiwasan ang mga epekto ng climate change. Ang best case scenario para sa ating mundo, kapanalig, ay ang paglimita ng pag-init ng ating mundo ng hanggang 1.5 degree Celsius lamang sa pamamagitan ng pagbaba ng global CO2 emissions – hanggang net zero pagdating ng 2050. Ang mga goals o mithiin na ito ay napapa-saloob sa Paris Agreement–isang legally binding international treaty o internasyonal na kasunduan.
Malawakang pagbabago at transpormasyon ang kailangan ng mundo upang makamit ang mga mithiin na ito. Unang una, malawakan at mabilisang “shift” o paglipat sa mga sustainable sources of energy ang kailangan. Sa ngayon, fossil fuels pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya ng mundo at two-thirds ng CO2 emissions ay mula din dito. Kung papalitan ito ng renewable sources of energy, may posibilidad na ating makamit ang net zero emissions pagdating ng 2060.
Kung magagawa ito ng maraming ekonomiya sa buong mundo, hindi lamang mga extreme weather events ang mababawasan. Magiging mas malusog din ang mga mamamayan–bawas ang polusyon at mas magiging maka-kalikasan rin ang mas maraming tao. Dagdag pa rito, maraming trabaho ang maaring malikha. Ayon sa Global Renewables Outlook, maaring 42 milyong trabaho ang malikha pagdating ng 2050 kung mamumuhan ang mundo sa renewable energy systems.
Ang pangangalaga sa ating mundo ay hindi “optional-” kung hindi natin gagawin ito, tayo ang mawawala, hindi lamang tayo mawawalan. Ayon nga sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good ng U.S. Conference of Catholic Bishops- Ang global climate change ay hindi ukol sa teoryang pang-ekonomiya o platapormang pampulitika. Ito ay ukol sa kinabukasan ng nilikha ng Diyos at ng ating global na pamilya.
Sumainyo ang Katotohanan.