395 total views
Mahalagang gamitin ng bawat isa sa kabutihan ang katawang panlupa na ipinagkaloob ng Panginoon lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang paalala ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo kaugnay sa malaking pagkakaiba ng naaangkop na pangangalaga sa katawan ngayong panahon ng pandemya na nagdudulot ng kawalan ng katiyakan para sa buhay ng bawat isa.
Ayon sa Obispo na siya ring outgoing Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, bukod sa pagsunod sa mga ipinatutupad ng pamahalaan at ng mga eksperto na mga safety health protocol ay mahalaga ring gamitin ang katawang ipinagkaloob sa bawat isa upang papurihan ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, higit na dapat na maging mas malalim at makabuluhan ang pangangalaga ng bawat isa sa katawang panlupa na ipinagkaloob ng Panginoon para sa lahat.
“Ngayong panahon ng pandemya naiba na ang pag-aalaga ng katawan. Hindi na gaano paano gumanda – hindi naman tayo lumalabas at kung lumabas man nakatakip na ang mukha. Ang pag-aalaga ng katawan ay upang ito ay maging malusog para may resistance sa virus. So the concern now is more of health rather than beauty. Mas malalim na ito na pag-aalaga sa katawan. Pero ang isa pang pag-aalaga sa katawan na dapat bigyan ng pansin: gamitin ang katawang panlupa upang ito ay makapunta sa langit. Gamitin natin ang ating katawan upang purihin ang Diyos at makatulong sa kapwa.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Broderick Pabillo.
Ito rin ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo kaugnay sa Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria na nagsilbing kauna-unahang banal na misa na isasagawa ng Obispo sa bikaryato matapos na sumailalim sa 7-araw na quarantine mula ng dumating mula sa Maynila noong ika-5 ng Agosto.
Isinagawa ang banal na misa sa Katedral ng San Jose Manggagawa kung saan nakatakdang isagawa ang kanyang installation sa ika-19 ng Agosto bilang opisyal na bagong punong pastol ng bikaryato ganap na alas- nuwebe ng umaga na pangungunahan ni Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona at matutunghayan sa Radyo Veritas Ph Facebook page at mapakikinggan sa Radio Veritas 846.
Tiniyak naman ng bikaryato ang patuloy na pagsunod at pagpapatupad ng safety health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19.