396 total views
Hindi naging hadlang sa bagong arsobispo ng Maynila ang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang ipagtuloy ang paglilingkod sa kawan bilang pastol sa higit tatlong milyong katoliko sa Archdiocese of Manila.
Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, bagama’t mas epektibo ang pakikipag-ugnayan sa bawat pari at mga mananampalataya ay kinakailangan munang gumawa ng paraan para ipagpatuloy ang mga gawain nang hindi na kailangan magtipon-tipon.
‘Nitong nakalipas na araw marami ang kinancel na face to face na celebration ng misa, alang-alang sa mga tao at sa akin din. So, ang ginawa ko sa mga araw na ito ay nakipag zoom meeting ako sa ating mga pari upang kahit paano malaman ko ang sitwasyon nila at ating mga parishes,” ayon kay Cardinal Advincula sa programang Pastoral visit on-the-air.
Isinasagawa ni Cardinal Advincula ang pakikipag-ugnayan sa higit 600 mga pari sa pamamagitan ng virtual meeting, habang nililibot ang mga parokya na may kabuuang 90 nang hindi bumababa sa kaniyang sasakyan.
‘I feel uneasy having that kind of meeting. Mas preferred ko ang face to face pero wala tayog magawa kailangan na mag-ingat tayo sa ating sarili. Halimbawa baka ako rin ang ‘carrier ng virus kasi hindi natin alam, hindi natin nakikita ang ating kalaban. Kaya kailangan natin magtulungan upang hindi natin ma-spread ang ‘invisible enemy’ natin ngayon,’ ayon kay Cardinal Advincula.
Ayon sa 69 na taong gulang na Cardinal, hindi matitiyak ng bawat isa kung sino ang maaring ‘carrier’ ng ‘virus’ kaya’t mas mabuti na ang nag-iingat para sa kabutihan ng kanyang kapwa.
Ibinahagi ni Cardinal Advincula na sa loob ng dalawang buwan ay nakapulong na niya ang 10 sa 13 vicariates ng Manila at nakatakda ring pulungin ang archdiocesan commissions sa mga susunod na araw.
Hunyo ng kasalukuyang taon nang pormal na iluklok bilang ika-33 arsobispo ng Maynila bilang kahalili ng kanyang kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle.
Si Cardinal Advincula ay mula sa Archdiocese ng Capiz na kasalukuyang ngayong sede vacante at nasa ilalim ng pangangasiwa ni Msgr. Cyril Villareal na inihalal ng college of consultors ng Capiz.