261 total views
Mga Kapanalig, naging mainit na usapin noong nakaraang linggo, hindi lamang sa mga balita sa Pilipinas kundi maging sa international media, ang matatalim na pananalitang binitawan ni Pangulong Duterte bago siya lumipad patungong Laos para sa ASEAN Summit. Naglabas na ng paglilinaw ang mga tagapagsalita ng ating pangulo tungkol sa umano’y pang-iinsulto niya sa pangulo ng Estados Unidos. Ikinalungkot rin daw niya na lumaki nang ganoon ng kanyang naging pahayag.
At tila ba sinasanay na tayong mga Pilipino sa ganitong istilo ng pananalita ng pinakamakapangyarihang tao sa ating bansa. Ngunit sa kabila ng mga paglilinaw ng kanyang mga tagapagsalita at taga-suporta, may mga nagsasabing nagiging mas magulo pa ang mga bagay-bagay dahil hindi malaman ng mga tao kung ano ang paniniwalaan o kung paano tatanggapin ang mga salitang namumutawi sa bibig ng ating pangulo. Alin ang masasabing “policy statement”? Alin ang maituturing na sarili niyang opinyon? At alin ang biro o joke lamang? Para bang lumalabo na ang pagkakiba-iba ng mga ito.
Mga Kapanalig, ang bawat salita ay nagtataglay ng “power” o kapangyarihan at “potency” o lakas na magdulot ng epekto. Hindi lumalabas ang mga salita sa ating mga bibig nang walang ibinubunga, kabutihan man o kapinsalaan sa sarili at sa iba. At dahil dito, kailangan nating piliin ang salitang ating sasabihin.
At hindi naman po siguro kalabisan kung asahan natin ang mga taong kumakatawan sa mahigit 100 milyong Pilipino na gumamit ng wikang magsisilbing tulay natin tungo sa higit na pagkakaunawaan at pakikipagtulungan sa ibang bansa sa halip na bakod na nagtataboy sa iba papalayo sa atin. Bagamat masasabing may batayan ang magalit sa mga bansang hindi naging makatarungan sa mga maliliit na bansa o nag-iwan ng malaking pinsala sa ating kalikasan at maging sa ating kamalayan, ang kasalukuyang panahon—isang panahong maigting ang pagsalalay ng mga bansa sa isa’t isa—ay humihingi ng pakikipag-diyalogo.
Ang Pilipinas ay bahagi ng isang mas malaking pamayanan, isang international community. At ayon nga sa mga bihasa sa foreign relations, ang mga pagpupulong ng mga pinuno ng mga bansa ay ang pinakamataas na porma ng diplomasya, mga pagkakataon upang pahusayin ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga bansa. Paraan din ito ng check and balance, ng mapayapang pagsubaybay sakaling may mga pamahalaang umaabuso sa kapangyarihan nila at maaaring maglagay sa pandaigdigang kapayapaan sa alanganin. Malaki rin ang ugnayan ng ekonomiya ng bawat bansa sa international community sa panahon ng globalization, at ang Pilipinas ang isa sa mga nakikinabang dito dahil sa ating mga produkto nating inaangkat ng ibang bansa at sa mga manggagawang Pilipino nagpapakilos sa ekonomiya ng ibang bayan.
Oo nga’t pulitika rin ang nangingibabaw sa international community at sa ugnayan ng mga bansa at iba’t ibang pandaigdigang institusyon, maging bahagi nawa ang Pilipinas ng pagpapatatag ng mga ugnayang ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng kabutihan at kaunlaran ng lahat at hindi ng sarili nating interes. Hindi tayo makalalahok sa pagbubuo ng pandaigdaigang pagtutulungan kung pahihinain natin ang mga institusyon ng pakikipag-diyalogo sa pamamagitan ng pagtuligsa, pananakot, o pagmamalaki.
Sabi nga ni Pope Francis sa isang akda: Ang diyalogo ay umuusbong mula sa paggalang sa kapwa, mula sa paniniwalang ang ating kausap ay may maibabahaging mabuti… Ang pakikipagdiyalogo ay nangangailangan ng magiliw na pagtanggap, hindi ng paunang pagtuligsa at paghatol. Upang makapasok sa isang diyalogo, mahalagang alam natin kung paano ibaba ang ating mga panangga, buksan ang pinto ng ating tahanan, at ialok ang mainit na pagtanggap sa iba bilang tao.
Ganito rin ang panawagan sa ating mga Katoliko sa isang lipunang binubuo ng mga taong iba’t iba ang kultura at paniniwala. Tulad ni Hesus sa Ebanghelyo ni Juan, ituring natin ang ating kapwa bilang mga kaibigan. Tanging sa ganitong paraan lamang magkakaroon ng tunay na pakikipagdiyalogo sa ating kapwa.
Sumainyo ang katotohanan.