409 total views
Naglabas ng saloobin si Jesuit Priest Fr. Marlito Ocon hinggil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease at mahirap na kalagayan ng mga Department of Health sa bansa.
Ayon kay Fr. Ocon, head chaplain ng University of the Philippines – Philippine General Hospital Chaplaincy, tila walang planong bumaba ang kaso ng virus sa bansa at patuloy na nagdudulot ng pangamba sa lipunan.
Sinabi rin ng pari na napapagod na ang mga medical frontliner na gamutin ang mga pasyenteng mayroong virus, kung kaya’t maging ang mga ito ay dinadapuan na rin ng karamdaman.
“Eto na nga mga kapatid. Paakyat [nang] paakyat parang walang planong bumaba. Health workers ay napapagod at maraming nahahawa,”ayon kay Fr. Ocon sa kanyang facebook post.
Inihayag ni Fr. Ocon na tanging sa Diyos na lamang kumakapit ang mga medical frontliners dahil hindi pa rin natutupad ng pamahalaan ang ipinangakong benepisyo kapalit ng sakripisyong kanilang iniaalay para mabigyang-lunas ang mga higit na apektado ng virus.
“Hanggang kailan kaya ang ating pagdurusa? Ipinangakong benepisyo hindi naman natamasa. Siya na lang ang bahala,” saad ni Fr. Ocon.
Inihayag ng Pari ang saloobin sa banta ng mga health workers na magsasagawa ng mass resignation kapag patuloy na hindi natanggap ang special risk allowance (SRA) mula sa Department of Health.
Nakasaad sa Bayanihan Law na ang SRA ay ang benepisyong matatanggap ng bawat medical frontliners kada buwan na nagkakahalaga ng P5,000.
Kapag natuloy ang malawakang pagbibitiw ng mga health workers, lalo itong magdudulot ng negatibong epekto sa sistemang pangkalusugan ng bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Batay sa tala ng DOH,umabot na sa mahigit 21,000 medical frontliners ang nagpositibo sa COVID-19 magmula nang ito’y lumaganap sa bansa noong nakaraang taon.
Sa bilang na ito, nasa higit 100 medical workers na ang naitalang nasawi sanhi ng nakamamatay na virus.