322 total views
Mga Kapanalig, sa gitna na maraming mga kaganapan at usaping kinakaharap ng ating bansa, hindi pa rin namamatay ang isyu tungkol sa mga extrajudicial killing o mga pagpatay sa mga indibidwal sa kamay ng mga tauhan ng estado na dapat ay nagpapatupad ng batas. Ang usaping ito ay makailang beses na ring naiugnay sa paglabag sa karapatang pantao, o human rights, na nakatawag na rin ng pansin ng maraming bansa sa lumalalang sitwasyon sa Pilipinas.
Kung minsan ay nakapanlulumong mabatid na kailangan pang pagdebatehan kung ang lahat ng tao ay may karapatang pantao. Kailangan pang kwestyunin kung tungkulin ba ng estado na proteksyunan ang karapatang pantao ng sinumang tao, maging mga pinaghihinalaang kriminal o gumagamit ng pinagbabawal na droga. Nakalulungkot na dumating tayo sa ganitong antas ng kamalayan at paniniwalang may mga taong maari nating ituring na hindi sagrado ang kanilang buhay, at hindi karapat dapat bigyan ng pagkakataong mapatunayan kung sila ba ay inosente o nagkasala, o kayâ naman, ng pagkakataong ituwid ang pagkakamali sa kanilang buhay. Nakalulungkot ang paglaganap ng ganitong kaisipan, mga Kapanalig, sapagkat ito ay malinaw na labag sa katuruan ng ating mahal na Simbahan.
Subalit ang marahil hindi natin gaanong natatanto ay kung gaano kamapanganib ang kaisipang ito hindi lamang sa mga nasasangkot sa paggamit at pagtutulak ng droga, kundi para sa ating lahat. Kapag nagsimula tayong sumang-ayon na maaring isaisantabi ang pagpapairal ng batas sa pagsugpo ng kriminalidad o ng alinmang suliraning panlipunan, tinatanggap na rin nating may mga pagkakataong hindi dapat masunod ang batas.
Bakit naging napakadaling napapaniwala ang maraming tao na ang mabisang solusyon sa pagpuksa sa droga ay ang pagsasaisantabi ng pagpapairal ng batas? Bakit kaya hindi kasing sigasig ang pamahalaan sa pagpapalakas ng pagpapairal ng hustisya upang ang mga napaghihinalaang gumawa ng krimen ay nakakasuhan, nalilitis, at nahuhusgahan nang mabilis? Sinasabing ang dahilan kung bakit mabagal ang paggulong ng hustisya sa ating bansa ay ang kakulangan ng mga prosecutors sa ating hudikatura. Bakit hindi pinagtutuunan ang pagpupuno ng mga bakanteng pwestong ito? Napakaliit din daw ng badyet na ipinagkakaloob sa hudikatura; palatandaan marahil kung gaano natin pinahahalagahan (o hindi pinahahalagahan) ang hustisya. May kakulangan din sa kakayahan ng mga nag-iimbestiga at kumakalap ng ebidensiya.
Bakit hindi ang mga kakulangang ito ang pagtuunan ng ating pamahalaan bilang sagot sa paglaganap ng droga at kriminalidad? Bakit ang paglabag sa due process sa pamamagitan ng extrajudicial killing ang tila nagiging pangunahing paraan sa kampanya laban sa droga imbis na ang pagpapalakas sa mga sangay at kapangyarihan ng estado na may kinalaman sa pagpapairal ng batas sa mabilis at wastong paraan?
Kung gaano kalinaw ang katuruan ng ating Simbahan tungkol sa dignidad ng tao at ang pagkasagrado ng buhay ng sinumang tao, ganoon rin kalinaw ang kanyang katuruan ukol sa pangingibabaw ng batas, o ang rule of law. Itinatalaga ng prinsipyo ng rule of law na ang batas ang pinakamataas na kapangyarihan, at hindi kung ano lamang ang kagustuhan ng namumuno. Ito ay lalo pang mahalaga sapagkat sa isang demokratikong lipunan, ang mga namumuno ay nananagot sa mga mamamayan. Ang batas ay ang siyang nagsasanggalang sa mga karapatan ng mamamayan laban sa maaaring pang-aabuso ng estado. Kapag pinahihintulutan ng mga mamamayan na lumabag sa batas ang estado, para na ring sinasabi nilang puwede nang hindi managot ang estado sa mga ginagawa nito.
Hindi ba’t sadyang mapanganib, mga Kapanalig, kung hinahayaan nating hindi sumunod sa due process na nakatakda sa ating mga batas, ang pagtugis sa mga sinasabing sangkot sa droga? Huwag sana nating kalimutang ang isang pamahalaang sumusunod sa batas ang siya pa ring tanging magdudulot ng tunay ng kapanatagan sa ating lahat.
Sumainyo ang katotohanan.