354 total views
Ibinahagi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na isang katangian ng Mahal na Birheng Maria na pagiging masunurin sa anumang biyaya at kaloob ng Panginoon ang kanyang naging gabay sa buhay.
Inihayag ito ng hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa kanyang pagdalo sa banal na misa sa Baguio Cathedral of Our Lady of the Atonement kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon kay Eleazar, ang katangiang ito ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang nagsilbing gabay sa pagtanggap at pagharap sa mga biyaya at misyong ipinagkaloob sa kanya ng Panginoong Maykapal.
“Sa akin pong pagiging kadete noon at naging opisyal ng Philippine Constabulary at eventually ay naging police officer, nandoon po ang pagiging isang sundalo at isang pulis, naging masunurin the obedience that Mama Mary had shown kung ano man po ang biyaya o ano man ang kalooban na ibinibigay ng Panginoong Maykapal.” pahayag ni Eleazar sa pagtatapos ng banal na misa sa Baguio Cathedral.
Umaasa naman si Eleazar na isabuhay ng bawat isa ang pagiging masunurin ng Mahal na Birheng Maria lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan kinakailangan ang pakikiisa ng lahat upang malagpasan ng buong bansa ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag ng PNP Chief na mahalaga ang pakikipagtulungan lalo’t higit ang pagsunod ng bawat isa sa mga ipinatutupad na alituntunin at patakaran upang sama-samang malagpasan ang malakawang epekto ng pandemya.
“Siguro po yung virtue na yun, pagiging obedient ang talagang isang virtue na talagang dapat nating sundin at dapat gawin, ngayon na tayo’y humaharap sa pandemya lahat po talaga ay nagsasakripisyo at lahat tayo ay nahihirapan maging ang ating pamahalaan. Yun din ang aming kahilingan sa ating mga kababayan na maging masunurin, maging obedient doon sa mga alituntunin at patakaran upang once and for all ay malampasan na rin po natin itong ating dinadaanang pandemya.” Apela ni Eleazar.
Ang pagdalo sa banal na misa ni Eleazar ay bahagi ng kanyang courtesy visit bilang PNP Chief sa Diocese of Baguio.
Naging parte na ng Command visit ng ahensya sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang pakikipagpulong sa iba’t ibang diyosesis upang humingi ng panalangin at paggabay sa kanilang misyon bilang mga alagad ng batas.
Ang Command Visit ni Eleazar sa Baguio City ay upang personal na pangunahan ang 120th Police Service Anniversary ng Police Regional Office (PRO) Cordillera sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet ngayong ika-16 ng Agosto na mayroong temang “Hangad na Kalinisan sa Kapaligiran at Komunidad; Ibayong Gampanan para sa Pangkapulisang Integridad”.
Unang ibinahagi ni Eleazar ang planong higit na pagpapaigting sa programang Ugnayan ng Simbahan at Pulisya (USAP) na magkaroon ng mas matibay na pagtutulungan ang mga otoridad at mga opisyal ng Simbahan hindi lamang ng mga Kristyano’t Katoliko kundi maging sa iba pang mga denominasyon sa buong bansa.