330 total views
Itinuturing na isang himala ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang pagkakahirang sa kanya bilang bagong pinunong pastol ng bikaryato maging sa gitna ng kasalukuyang panahon ng pandemya.
Ayon sa Obispo, dahil sa mapaghimalang pagmamahal ng Diyos ay naging posible ang kanyang hangarin na muling mabalik at makapaglingkod sa bayan ng Diyos sa Palawan bilang ikalawang Obispo ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay.
“Ang installation na ito ay nangyayari ay isang himala ng Diyos, dahil sa kanyang pagmamahal. Himala ng Diyos na ako ay makabalik sa Palawan. Talagang gusto ko na ako ay makabalik uli at maglingkod dito sa Palawan, pero isang malaking milagro na ang hangaring ito ay natupad. Salamat sa Diyos! Isang himala din na kahit na sa loob ng pandemya nagkakaroon tayo ng installation.” pagninilay ni Bishop Pabillo.
Bagamat hindi nakadalo sa kanyang installation sina Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ay ipinagpapasalamat ni Bishop Pabillo ang mainit na pagtanggap at pagkikibahagi sa pagdiriwang ng mga lingkod ng Simbahan sa Palawan sa pangunguna ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona at Taytay Bishop Emeritus Edgardo Juanich na siyang unang nagsilbing obispo ng bikaryato.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, na bagamat payak lamang ay naging makabuluhan naman ang buong paggunita sa Ritu ng pagtatalaga sa kanya bilang bagong pinunong pastol ng Apostoliko Bikaryato ng Taytay kung saan nagmistulang family affair ito ng bayan ng Diyos sa Palawan.
“Ang pagdiriwang natin ay naging all Palawan affair na lang. Nandito naman si Bishop Socrates Mesiona ng Vicariate of Puerto Princesa at si Bishop Edgardo Juanich, ang ating Bishop Emeritus ng Taytay. Mas simple pero mas naging family affair ng mga taga-Palawan.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ayon kay Bishop Pabillo ang kanyang episcopal motto na “Fides in Caritate” o Faith Through Love ang kanyang magsisilbing gabay sa pangangasiwa sa buhay espiritwal ng mga mananampalataya sa bikaryato patungo sa kabanalan sa piling ng Panginoon.
Paliwanag ng Obispo, ang pananalig o pananampalataya sa Panginoon na walang kaakibat na pag-ibig ay maituturing na patay sapagkat magiging ganap lamang ito sa pamamagitan ng pagpapamalas ng mga gawain ng pag-ibig tulad ng pagtulong sa mga nangangailangan, paggabay sa mga naliligaw ng landas at pag-alalay sa mga nawawalan ng pag-asa sa buhay.
“Ang pananalig sa Diyos na walang pag-ibig ay patay. Nararamdaman ang pananampalataya sa mga gawain ng pag-ibig. Gusto kong ito ay palagi kong ma-alaala. Balewala ang pananampalataya na hiwalay sa pag-ibig.” Ayon kay Bishop Pabillo.
Taong 1999 ng magsilbi si Bishop Pabillo bilang bahagi ng kaparian ng Puerto Princesa, Palawan bago itinalaga bilang katuwang na obispo sa Arkidiyosesis ng Maynila noong Mayo 24, 2006.
Ang Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan ay may 22 mga parokya kung saan magsisilbing katuwang ni Bishop Pabillo sa pangangasiwa at paggabay sa buhay espiritwal ng mahigit sa 390-libong mananampalatayang Katoliko ang 37 mga Pari sa bikaryato.