236 total views
Sa ating panahon ngayon, mukhang nahihirapan ang mga tao na kilalanin kung ano ang grasya. Marami sa atin hindi na alam kung ano ito. Marami sa atin, hindi na rin dama kung dumarating pa ba ito. Ano nga ba ang grasya, kapanalig?
Ayon sa the Catechism of the Catholic Church, “Grace is favor, the free and undeserved help that God gives us to respond to his call to become children of God, adoptive sons, partakers of the divine nature and of eternal life.”
Batay sa depinisyon na ito, grasya kapanalig, ang tulong na binibigay ng mga tao o institusyon upang tayo at ang ating lipunan ay maging mabuti, maayos, at maka-Diyos.
Kapanalig, ito lamang nakalipas na mga araw, lumabas ang report ng Commission on Audit (COA) ukol sa P67 bilyong COVID funds na hindi nagamit ng maayos ng Department of Health (DOH). Kabilang dito ang P3.4 billion COVID foreign aid na hindi na gamit ng naturang ahensya.
Marami man ang nabigla dito, hindi naman natin maitatatwa na may binigay itong pag-asa. Unang-una, nalaman natin na may pera pa pala na maaring magamit para mas mapagaan ang impact at epekto ng pandemya sa ating bansa. Pangalawa, naramdaman din natin na may ahensya pa pala ng pamahalaan na nagbabantay para sa kapakanan ng bayan at sa buwis na pinaghirapan ng ating mga manggagawa at mga negosyante.
Grasya ito, kapanalig. Ang ganitong impormasyon na binusisi ng COA ay tutulong sa ating paglaban sa pandemya. Maitutuwid din nito ang anumang pagkukulang o oversight na maaring nagawa ng kinauukulan. Walang alegasyon ng korupsyon sa report, pinakita lamang nito na may kakulangan sa pamamahala o governance. Ang ganitong sitwasyon ay maaring maituwid at mabawi.
Kaya’t nakakapagtataka na ang ating mga pinuno mismo ang eksaharada ang reaksyon sa pagsusuri ng COA. Ginagawa lamang nito ang kanyang mandato sa ilalim ng ating Konstitusyon – ang maging tagapag-bantay ng kaban ng bayan. Sa halip na iwasto ang anumang pagkukulang, nagmumura at nag-ngangangawa ang ating mga lider. Huwag naman sana ganyan. Sila pa naman ang dapat maging huwaran ng bayan. Ang maayos na pamamahala ay grasya rin para sa bayan. Huwag sana ipagkait ito ng ating mga pamahalaan.
Sumainyo ang Katotohanan