185 total views
Marahil para sa iba, paulit ulit nang nababanggit ang isyu na ito. Pero pihado, para sa maraming kababaihan, nararapat lamang na ulit-ulitin ito hanggang may makarinig at makapagbigay ng sapat na tugon: mas mabigat ang epekto ng pandemya para sa nakakaraming mga kakabaihan.
Kapanalig, narinig mo na ba ang katagang “time poverty?” Ayon sa isang pag-aaral mula sa Harvard Business School, ang simpleng depinisyon ng time poverty ay ang “chronic feeling of having too many things to do and not enough time to do them.” Kapanalig, hindi lamang ito simpleng reklamo ng kakulangan ng oras para sa iilang gawain o trabaho. Kapag nakakaranas ka ng time poverty, miski sa tulog o pagligo, wala ka ng panahon. Kung dati-rati, nababawi pa ang oras para dito, ngayong pandemya, halos hindi na.
Ito ang nararanasan ng maraming mga kababaihan ngayon. Ayon sa isang pag-aaral mula sa UN, ang pasanin ng gawaing bahay at pag-aalaga sa kasapi ng tahanan ay nasa balikat ng mga kababaihan. Ang ganitong sitwasyon ay nagpapalala ng gender inequality, at sa panahon ng pandemya, mas malala ito. Karaniwan ng mahigit pa sa apat na oras kada araw ang ginugugol ng kababaihan para sa unpaid care work o pangangalaga sa kasapi ng pamilya. Hindi pa bilang dito ang oras para sa iba pang domestic work. Sa ating bayan, mas mabigat ito dahil ang mga highly feminized na sector ng trabaho ay malubhang natamaan ng pandemya – gaya ng health, services, at sales. Sa buong mundo, 70% ng mga manggagawa sa health sector na ito ay babae. Sa araw-araw, matapos ang mental and physical stress ng kanilang unang trabaho, uuwi naman sila para sa kanilang “second shift,” – mga gawaing bahay na maari namang gampanan ng iba pang kasapi ng tahanan.
Kapanalig, huwag nating hayaan na pati ang mga advancement pagdating sa karapatan ng mga kababaihan ay mawala dahil lamang sa pandemya. Kay layo na ng narating ng mga kababaihan sa ating bayan – kitang kita natin ito sa ating paligid. Sila ang humuhulma ng ating lipunan ngayon. Napansin mo ba na habang nagmumura, nagwawala, at nag-ngangawaan ang mga lalakeng lider ng bayan ngayon, ang mga kababaihan mismo sa kanilang sector ay disente at kalmadong humaharap sa stress at mga hamon ng kanilang mga trabaho – ang mga ehemplo, si Leni Robredo at si Usec. Maria Rosario Vergeire. Hindi man tayo laging sang-ayon sa kanilang pananaw, ngunit ang kanilang tibay ng loob ay lagi namang kahanga-hanga. Kaya dapat hindi mawalan ng espasyo at panahon ang mga kababaihan upang malaya silang makalahok sa paghulma ng lipunan.
Ayon sa Gaudium et Spes, ang babae ay dapat malayang nagagampanan ang kanilang bahagi. Kailangan nating lahat matiyak na nakikilala at naisusulong ang malayang pakikilahok nila sa ating sa lipunan. Pero kapanalig, kung matatali sila sa time poverty, wala ng oras ang mga kababaihan upang kanilang maabot ang tunay na kaganapan at potensiyal ng kanilang pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.