319 total views
Patuloy na hinihikayat ng simbahan ang publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease upang magkaroon ng karagdagang kaligtasan laban sa nakakahawa at nakamamatay na virus.
Sa kasalukuyan, ilang diyosesis sa bansa ang katuwang ng pamahalaan sa pagsasagawa ng malawakang vaccination program upang maiwasan ang patuloy na pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.
Kabilang sa mga ito ang Diyosesis ng Novaliches; Kalookan; San Pablo, Laguna; Balanga, Bataan at maging ang Arkidiyosesis ng Cebu.
Maliban naman sa pagpapagamit sa mga simbahan at ilang catholic schools para maging vaccination sites, nagsasagawa rin ng information dissemination ang mga simbahan tungkol sa COVID-19 vaccines upang magkaroon ng vaccine confidence ang publiko at mapawi ang pangamba sa pagpapabakuna.
Ayon sa anunsyo ng Malacanang, umabot na sa mahigit 13.2-milyong Filipino o 12.1 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa ang kumpleto na sa bakuna laban sa COVID-19.
Habang umabot naman sa mahigit 17.5-milyon o 16-porsyento ng mga Filipino ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.
Inaasahan ng pamahalaan na bago matapos ang taon ay maging fully vaccinated ang nasa 50 hanggang 60 milyong Filipino, mas mababa mula sa 70-milyong target ng pamahalaan upang maabot ang herd immunity.
Batay naman sa ulat ng Department of Health, umabot na sa 127,703 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, matapos makapagtala ng mga panibagong kaso na umabot sa 12,067.