380 total views
Nananawagan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa sambayanang Filipino na tangkilikin ang vaccination program ng pamahalaan na layong bigyang-proteksyon ang mamamayan laban sa umiiral na coronavirus disease.
Ayon kay Bishop Mangalinao, walang dapat ipangamba ang publiko hinggil sa epekto ng bakuna dahil layunin lamang nito na tuluyang masugpo ang pandemyang lubos nang nakakaapekto sa buhay ng bawat tao.
“Ako po ay nananawagan sa ating lahat na tayo po ay makipagtulungan sa ating pamahalaan na tangkilikin ang [COVID-19] vaccines na ibinibigay para sa atin… Kaya wag po tayo matakot sapagkat ito po ay nakasasagip ng buhay at nakapagbibigay-buhay sa ating kapwa. Tutulungan tayo ng Diyos para ang pandemyang ito ay matapos,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nakikipagtulungan naman ang diyosesis sa mga lokal na pamahalaan upang mahikayat ang publiko na magpabakuna sa pamamagitan ng pag-aanunsyo sa mga banal na Misa maging sa kanilang radio station.
Ito rin ang paraan ng diyosesis sa pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko upang magbigay ng kapanatagan hinggil sa kaligtasang maidudulot ng COVID-19 vaccines sa katawan ng tao.
“Ang partnership namin dito sa [Diocese of Bayombong] ay alam naman ng mga local government units na ang mga pari ay naghihikayat na mag-vaccination na. Actually we have a radio [station] here, and everyday we are inviting people to have their vaccines… Dun lang kami kinakailangan ng LGUs kasi talagang ang mga tao ay hesistant. They have to have their vaccines,” saad ni Bishop Mangalinao.
Batay sa tala ng Department of Health, umabot na sa mahigit 13.2-milyong Filipino o 12.1 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa ang kumpleto na sa bakuna laban sa COVID-19.
Habang umabot naman sa mahigit 17.5-milyon o 16-porsyento ng mga Filipino ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna.
Inaasahan ng pamahalaan na bago matapos ang taon ay maging fully vaccinated ang nasa 50 hanggang 60 milyong Filipino upang maabot ang herd immunity.