368 total views
Puspusan ang isinasagawang kampanya ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa, Palawan upang hikayatin ang bawat mamamayan na magparehistro o isaayos ang kanilang rehistro bilang paghahanda sa 2022 national election.
Ayon kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona na ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission, tinututukan ng bikaryato ang kampanya upang magparehistro lalo na ang mga kabataan at maisaayos ng mga lumipat ng tirahan ang kanilang rehistro sa lugar.
Ibinahagi ng Obispo na kanilang pinaigting ang paghikayat sa mamamayan na magparehistro upang samantalahin ang nalalabing mahigit 30-araw na voters registration ng Commission on Eletions.
“Kami nag-aappeal kami na sana yung mga hindi pa nakapagregister, magparegister at saka yung mga transferees magpatranfer na, ayusin na nila ang kanilang registration, so far yan po ang tinututukan naming ngayon campaign na magparegister lalong lalo na sa mga kabataan…” pahayag ni Bishop Socrates Mesiona sa Radio Veritas.
Matatandaang una ng inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na ang pakikisangkot sa mga usaping panlipunan partikular na ang nakatakdang halalan ay isang kongretong pagpapamalas ng pagmamahal sa kapwa at sa bayan.
Sa kasalukuyan may nalalabi na lamang na 36 na araw sa kasalukuyang voters registration ng COMELEC kung saan tanging pagpapahaba lamang sa oras ng pagpapatala ang pinalawig ng ahensya at hindi ang mismong deadline nito sa ika-30 ng Setyembre ng kasalukuyang taon.