322 total views
Hinihikayat ni Diocese of Mati, Davao Oriental Bishop Abel Apigo ang publiko na magpabakuna upang matiyak ang karagdagang proteksyon laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Bishop Apigo, malaki ang maitutulong ng pagpapabakuna, hindi lamang para sa ating mga sarili, kundi maging sa muling pagbangon ng bansa mula sa krisis na idinulot ng pandemya sa lipunan.
“Hinihikayat ko po kayo na para masugpo natin itong COVID-19 na sana mag-avail tayo sa vaccination para naman makamit natin ang herd immunity. Ito rin ang paraan para matugunan natin at maiahon natin ang ating bayan sa threat ng COVID-19,” bahagi ng pahayag ni Bishop Apigo sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, ibinahagi ni Bishop Apigo na ang Diyosesis ay katuwang ng pamahalaang lungsod ng Mati sa pagbibigay-lunas sa mga nahawaan ng virus sa pamamagitan ng pagpapagamit sa pastoral center nito upang magsilbing COVID-19 Treatment Center.
Maliban dito ay pinahintulutan rin ng lokal na simbahan ang pagpapagamit sa Maryknoll Academy of Cateel na isang Catholic school na pinamamahalaan ng Diyosesis upang maging vaccination facility.
Dalangin naman ng Obispo ang patuloy na paggabay ng Poong Maykapal para sa kaligtasan ng bawat mamamayan at tuluyang kagalingan ng bansa laban sa nakakahawa at nakamamatay na virus.
“We pray fervently for the end of COVID-19… May God bless all of us and may God bless our country that soon COVID-19 would be gone,” dalangin ni Bishop Apigo.
Batay sa tala, bukod sa Diyosesis ng Mati katuwang din ng pamahalaan sa pagsasagawa ng malawakang COVID-19 vaccination program ang mga Diyosesis ng Novaliches; Kalookan; San Pablo, Laguna; Balanga, Bataan; maging ang mga Arkidiyosesis ng Lipa, Cebu at Davao.